DALAWAMPU’T isang naggagandahang binibini ang magtatagisan ng galing para sa unang Miss Midori Clark Beauty of the New Generation, ang unang national pageant na ang prize package ay ang pagkakaroon ng trabaho para sa mga mananalo at kwalipikadong mga kandidata.
Kabilang sa nasabing timpalak sina: Emma Tiglao, Fina Jallene Guapa, Maxine Manalus, Airish Joy Rivera, Marinel Tungol, Micah Anghela Songco at Camille Eloisa ng Pampanga; Mariah Nilo, Elaiza Dee Alzona at Christine Juliane Opiaza, ng Zambales; Rosantonette Mendoza, Rica Kyla Punsalan, Jasmine Omay, Katrina Mae Sese at Anie Yuson, ng Tarlac; Merie Joy Aboda, ng Nueva Ecija; at sina Thel Abellanosa, Marie Shery Ann Tormes, Jamie Joy Imson, El Fel Sharae Banaybanay, at Sherryn Mercado, ng Metro Manila.
Sa media presentation na ginanap sa lobby ng resort nitong Sabado ng gabi, napagwagian ni Tiglao, isang beterano sa pageant, ang Darling of the Press special award.
Sinabi ni Timmy Diwa, marketing at PR Head ng Midori Clark Casino, na maigting ang pagnanais ng mga kandidata na maging bahagi ng pageant, gayundin ang makatulong sa mga nangangailangan, lalo na sa mga taong kapos-palad.
“This is the very essence of the Miss Midori Clark 2018 pageant. We are looking for a Filipina who embodies the true beauty of the new generation. A millennial who possesses good looks and intelligence, oozes with confidence, and has a sincere intention to help others, especially the less fortunate,” sabi ni Diwa.
Ang beauty pageant ay pinamumunuan ng Midori Clark Casino na pagmamay-ari at pinatatakbo ng BB International Leisure and Resort Development Corporation (BBI), isa sa mga prime locators sa loob ng Clark Freeport Zone sa Pampanga. Nag-invest ng bilyun-bilyon ang BBI para ma-develop ang mahigit sa 120 ektaryang lupa sa Clark.
Kabilang sa mga multi-billion investment ng BBI sa Clark ang Midori Clark Casino, na sinasabing ang pinaka-technologically advanced gaming property sa Hilagang Luzon.
Ang mga magwawagi at kuwalipikado para sa Miss Midori Clark 2018 contest ay mabibigyan ng pagkakataong makapagtrabaho sa Midori at BBI pagkatapos ng pageant, dagdag pa ni Diwa.
Mag-uuwi ang tatanghaling Miss Midori Clark 2018 ng P1 million worth of prizes; P260,000 worth of prizes naman para sa 1st runner-up; ar P160,000 cash at prizes para sa 2nd runner-up; at tatanggap naman ng tig-P65,000 each ang mananalong 3rd at 4th runners-up.
Ihahayag ang special awards para sa Best In Gown, Swimwear and Talent, Ms. Photogenic, People’s Choice; at Ms Congeniality, sa finals kasama ang cash prizes ranging from P20,000 hanggang P30,000. Gaganapin ang coronation night sa Fiesta Hall ng Midori Clark Hotel and Casino sa Agosto 5.
-ROBERT R. REQUINTINA