Inamin ni showbiz insider Ogie Diaz na si Sen. Erwin Tulfo ang napipisil niyang kumandidatong Bise Presidente sa 2028 elections.
Binati kasi ni Ogie sa latest episode ng “Showbiz Updates” noong Biyernes, Agosto 14, si Sen. Erwin na nagdiwang ng ika-63 kaarawan noong Agosto 10.
“Ang ating pagbati, mahal na mahal ko ‘yan, si Erwin Tulfo na birthday. Pinu-push kong tumakbong Vice President. Wa echos,” saad ni Ogie.
Dagdag pa niya, “Broadcaster pa lang ‘yan, nauubos na ang pera niyan sa katutulong. Ako mismo nakikita ko ‘yong mga tao, pumipila sa kaniya. Pati ‘yong mga production people na nangangailangan. Kailangan dumukot ni Erwin Tulfo.”
Ayon kay Ogie, apat na taon daw silang nagkasama ni Sen. Erwin sa isang morning show. Doon daw niya nasaksihan ang pagiging mapagkawanggawa nito.
Ngunit matagal nang sinasabi ng senador na hanggang sa Senado lang daw siya manunungkulan, maging ang kapatid niyang si Sen. Raffy Tulfo.
“Ang plano lang po namin [ni Sen. Raffy], hanggang dito lang talaga po kami sa Senado,” sabi ni Sen. Erwin sa isang panayam noong Mayo.
Ito ay matapos mapabilang ang pangalan nila bilang mga nangunguna sa listahan ng 2028 presidential preference surveys.
Kaugnay na Balita: 'Leave us alone!' Sen. Erwin, nanawagang tantanan sila ni Sen. Raffy sa presidential surveys