Nakiusap si Sen. Erwin Tulfo na lubayan at huwag na raw munang isama ang pangalan niya sa mga presidential survey at ng kaniyang kapatid na si Sen. Raffy Tulfo.
Ayon sa naging pahayag sa media ni Sen. Erwin nitong Martes, Mayo 5, 2026, sinabi niyang plano daw nila ni Sen. Raffy na hanggang sa Senado na lang sila manungkulan.
“Gusto po ng brother ko and myself, sana po next time huwag na pong isama-sama ‘yong mga pangalan namin dyan na tatakbong candidates [sa] presidential, vice presidential,” pagsisimula niya.
Diin pa niya, “Ang plano lang po namin, hanggang dito lang talaga po kami sa Senado.”
Ani Sen. Erwin, may lumabas daw kasi sa social media na presidential survey kung saan kapantay lamang ng resulta ni Sen. Raffy si Vice President Sara Duterte at tiyak daw na puputaktihin na naman sila ng mga basher at trolls.
“Kaya Raffy is also worried last night nang makita ko ‘yong lumabas sa social media kahapon at sinasabi po na tied sila ni VP Sara. Marami na naman pong problema diyan. Papasok na naman po ‘yong mga basher, trolls. Wala naman pong kaplano-plano ‘yong kapatid ko, I was talking to him last night,” aniya.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!
Dagdag pa pa niya, “Pakiusap po namin, si Sen. Raffy at ako po, na baka puwede pong sa mga susunod na survey huwag na po munang isama ‘yong mga pangalan po namin.
Paliwanag ni Sen. Erwin, marami naman daw nararapat na tumakbo rin na mga indibidwal na magmumula sa administrasyon, oposisyon, at liberal.
Saad niya, nariyan naman daw ang magkapatid na sina Ombudsman Jesus Crispin Boying Remulla, Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla, at si Sen. Risa Hontiveros.
Pakiusap niya, gusto lang daw niya at ng kapatid niyang si Sen. Raffy ng tahimik na buhay dahil nabugbog na raw sila ng batikos at banat mula sa publiko noong 2025.
“Gusto ko lamang ng tahimik na buhay. Kakatapos lang ng 2025 ay talagang nabugbog po kaming magkapatid sa mga batikos at sa mga banat,” paglilinaw niya.
“Please leave us alone. Huwag niyo na munang isama po ‘yong mga pangalan namin,” pagtatapos niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'It's everyone's dream!' SILG Remulla, handa sa tungkulin ng pagiging Pangulo
KAUGNAY NA BALITA: Magdalo, itutulak presidential bid ni Sen. Risa!