VERY rewarding ang taon na ito para kay Mark Carpio matapos siyang pagkalooban ng Warner Music Phils. ng Gold Record award para sa tagumpay na tinamo ng awitin niyang Hiling, ang title track sa album niyang may kaparehong pamagat.
Si Mark ang bumuhay sa mga OPM classics, tulad ng Don’t Know What To Do (Don’t Know What To Say) ni Ric Segreto, at Naaalala Ka ni Rey Valera.
Naging kasapi ng bandang Midj si Mark noong nasa kolehiyo siya, kung saan na-develop ang talent niya sa pagko-compose ng mga awitin.
Ibinatay niya ang kanyang mga likhang awitin sa tunay niyang karanasan, at mga kaganapang nakikita niya sa paligid.
Dalawa sa kinatha niyang awitin ang Hiling at Kay Tagal.
Ang Hiling ay ginamit na theme song ng Pinoy Big Brother-Season 7. To date, Hiling has been streamed over 16 million times sa Spotify.
Ang Kay Tagal naman ay itinampok sa pelikulang Imagine You & Me nina Alden Richards at Maine Mendoza.
Ang Nakaw Tingin ay isinulat din ni Mark at isa sa mga cuts sa Ultimate album ni Jennylyn Mercado.
Na-nominate si Mark sa Awit Awards bilang Best New Male Artist at Best Ballad for 2017.
-REMY UMEREZ