“ANG tunay na maganda, hindi nagpapakita ng cleavage.” Ito ang sinabi ng kilalang aktres na tumatak sa amin.
Habang kausap namin ang aktres ay inaalala namin siya simula noong nag-umpisa siya sa showbiz. Base sa pagkakatanda namin ay hindi siya nagpakita ng cleavage sa buong career niya, at totoo ngang maganda siya noong kabataan niya, kaya naman kaliwa’t kanan ang may gusto sa kanya.
Nakikita namin siya noon sa mga showbiz gathering at laging pormal ang mga kasuotan niya, at maging sa pakikipag-usap ay pormal din siya. Narinig na namin siyang magbiro, at never ding naging malaswa o garapal ang pagbibiro niya.
Ito siguro ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nalilimutan ng aktor na nakarelasyon niya, na may asawa na ngayon.
Kapag naririnig kasi ng aktor ang pangalan ng aktres ay napapangiti siya at nagbibirong “iniwan niya ako”. Indirect ding inamin ng aktor na “the one that got away” niya ang aktres.
Oo nga, hindi puwedeng aminin ito nang diretso ng aktor, dahil tiyak na maraming magagalit sa kanya. Lalo na ang mga ina ng ibang anak niya.
Tinanong din ang aktres kung ang aktor ang masasabing “the one that got away” din niya.
“Ay, hindi naman. Kasi masaya ako sa napangasawa ako. He gave me everything,” mabilis na sagot ng aktres.
Medyo mapili sa project niya ang aktres. Sa edad daw niya ngayon ay ayaw na niyang makipagsabayan sa mga bata na walang tulugan, dahil tapos na raw siya sa ganung sitwasyon.
“Ayaw ko lang ng sige-sige. Gusto ko isa-isa lang. Maraming offers, pero siyempre, mamimili ka na lang. Hindi rin naman ako mahirap kausap sa talent fee,” katwiran ng aktres.
As of now ay may seryeng iniaalok sa aktres at pinag-iisipan niya kung tatanggapin niya dahil halos araw-araw ang taping, at ayaw naman daw niyang hindi na makita ang pamilya dahil baka lagi siyang tulog.
-Reggee Bonoan