August 16, 2026

Home BALITA Metro

3 aktibistang nanakit umano sa pulis noong Labor Day, sinupalpal ng arrest warrant!

3 aktibistang nanakit umano sa pulis noong Labor Day, sinupalpal ng arrest warrant!
Photo courtesy: Wikimedia

May mga arrest warrant nang inilabas ang isang korte sa Maynila laban sa tatlong raliyista na sinasabing sangkot sa umano’y pag-atake sa isang pulis habang isinasagawa ang Labor Day protest noong Mayo 1, ayon sa Manila Police District (MPD).

Kinumpirma ng MPD noong Sabado,  Agosto 15, na naglabas ang Metropolitan Trial Court in Manila ng warrant of arrest laban sa tatlo dahil sa umano’y paglabag sa Article 153 ng Revised Penal Code, na tumutukoy sa mga kaguluhan at iba pang paglabag sa public order.

Nag-ugat ang kaso sa insidente noong Mayo 1, 2026, sa T.M. Kalaw Avenue sa Ermita, kung saan umano’y hinarap at sinaktan ang isang pulis na nagdodokumento sa kilos-protesta.

Batay sa naunang ulat ng pulisya, sinuntok, kinalmot at hinampas umano ng kawayan ang nasabing pulis habang nagkakagulo sa lugar. Kinuha rin umano ang kaniyang cellphone.

Naganap ang insidente kasabay ng mga kilos-protesta para sa Labor Day kung saan nagtipon ang mga demonstrador sa Welcome Rotonda bago nagtungo patungong Mendiola.

Metro

Mga suspek ng pananaksak sa 16-anyos na estudyante, inaresto!

Matapos umanong harangin ang kanilang pag-usad, nagtungo naman ang ilang grupo sa T.M. Kalaw Avenue at Roxas Boulevard.

Kalaunan ay kumalat sa social media ang video ng umano’y pananakit sa pulis.

Kasunod ng inilabas na arrest warrant, inatasan ang mga tauhan ng MPD na hanapin at arestuhin ang tatlong akusado alinsunod sa umiiral na batas at proseso.

Sinabi ni MPD District Director Brig. Gen. Arnold C. Santiago na ipatutupad ng kanilang tanggapan ang kautusan ng korte habang pinoprotektahan ang mga karapatan ng lahat ng sangkot.

“The Manila Police District remains steadfast in upholding the rule of law, ensuring the lawful enforcement of court processes, and protecting the rights of all parties concerned,” pahayag ni Santiago sa media. 

Hindi naman tinukoy ng MPD ang mga pangalan ng tatlong raliyista na inisyuhan ng arrest warrant.