August 16, 2026

Home BALITA

Umano'y mastermind sa illegal recruitment na nanloko ng 1.7k Pinoy, tiklo!

Umano'y mastermind sa illegal recruitment na nanloko ng 1.7k Pinoy, tiklo!
Photo courtesy: Unsplash


Inaresto ng Quezon City Police District (QCPD) - Project 4 Police Station ang isang lalaki na umano’y utak ng isang malawakang illegal recruitment scheme na nakapanloko ng aabot sa higit 1,700 aspiring Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ayon sa inilabas na ulat ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Linggo, Agosto 16, kinilala ang suspek na si Mazhoor Ubongin Khusin, o mas kilala bilang si “Maz;” na isa umanong opisyal ng ALJU International Manpower Services, Inc.

Batay sa imbestigasyon, nangako si Khusin, kasama ang iba pa niyang mga kasabwat, ng mga trabaho bilang factory worker, farmer, at hotel worker sa bansang Poland, Lithuania, at Czech Republic mula 2023 hanggang 2024.

Aniya, aabot sa ₱90,000 ang sweldo sa mga nasabing trabaho—na hindi naman pala totoo.

Naloko ng mga suspek ang libo-libong mga aplikanteng nagbayad umano ng ₱80,000 hanggang ₱130,000 placement fee.

Metro

3 aktibistang nanakit umano sa pulis noong Labor Day, sinupalpal ng arrest warrant!



Dahil sa nasabing scheme, kinansela ng pamahalaan ang lisensya ng ALJU International Manpower Services, Inc.

Sa kasalukuyan, nakadetine si Khusin sa Makati City Jail, matapos siyang silbihan ng humigit-kumulang 30 karagdagang warrants of arrest.

Inisyu ang mga nasabing arrest warrant ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 146, dahil sa probable cause para sa kasong Illegal Recruitment in Large Scale.

Samantala, patuloy ang operasyon ng mga awtoridad upang matimbog ang lima pang kasabwat na nananatiling at-large.