INILABAS na ng GMA-7 ang photos ng tinawag nilang “Clashers”, o ang maglalaban-laban sa bagong singing competition ng network na The Clash.
Sabi sa post: “After the nationwide search, we’ve rounded up the toughest...the fiercest...the most talented Clashers! Abangan ang 62 Clashers, ipakita ang kani-kanilang galing, dito lang sa GMA, ngayong July 7 na!”
Si Regine Velasquez-Alcasid ang host ng The Clash, kaya sa interview para sa 3 Stars, 1 Heart Dubai concert nila nina Julie Anne San Jose at Christian Bautista ay natanong naming siya kung kailan ang airing ng singing competition?
“July yata, ‘di lang ako sure. At ang dinig ko, Saturday at Sunday ang airing niya,” ani Regine.
Sa binanggit niyang schedule, parang sa time slot ng Celebrity Bluff ‘pag Saturday at Lip Sync Battle ilalagay ang The Clash.
Kung tama ang hinala namin, ibig sabihin ay matatapos na ang season ng dalawang nabanggit na show, na puwede pa namang ibalik muli.
Matagal nang walang singing competition ang GMA-7, kaya masaya ang Kapuso viewers na may panonoorin na uli silang show na magdidiskubre ng pinakamahuhusay na singer.
Dalawa raw sa judges ng show sina Lani Misalucha at Ai Ai delas Alas, kaya masaya ito at talagang kaabang-abang.
Samantala, handa nang bumiyahe sina Regine, Julie Anne at Christian pa-Dubai sa June 14 para sa 3 Stars, 1 Heart concert nila sa Dubai World Trade Center sa June 16. Sinigurado ng GMA Pinoy TV at partner carrier OSN, ni director Paolo Valenciano at ng musical director na si Raul Mitra na isang solid show for two hours ang mapapanood ng ating mga kababayan doon.
-NITZ MIRALLES