Ni ROBERT R. REQUINTINA
ISINUGOD sa ospital ang pulis na si Mr. International 2014 Neil Perez, matapos siyang masangkot sa motorcycle accident nitong Biyernes.
Nagtamo ng mga gasgas at sugat sa katawan si Neil, bomb explosive technician sa Philippine National Police-Aviation Security Group, na kasalukuyang naka-confine sa Metropolitan Medical Center sa Sta. Cruz, Manila.
Sa Instagram post ng mentor ni Neil sa Empire Talent, sinabi ni Jonas Gaffud na kinailangang mag-undergo ng CT scan ng pulis dahil sa panandaliang pagkawala ng memorya nito.
Ibinahagi naman ng close friend ni Perez na si Eton Concepcion ang nangyari sa Mr. International winner.
“Buti pinara nung tatlong bata/teenagers ‘yung truck na sasagasa sa katawan niyang bulagta na sa kalsada. Kumaway-kaway raw sa truck driver ‘yung tatlong bata, kaya huminto yung truck,” kuwento ni Eton.
“Hanggang sa dalhin sa bahay nila nung tatlo, isinakay sa tricycle. Black eye, madaming galos, lapnos at groggy [si Neil]. Nakakakilos pero hindi matandaan ang mga nangyari. May minor fracture sa pisngi at bugbog,” dagdag pa ni Eton.
Thankful naman si Neil, ayon kay Concepcion, para sa second life nito. “He’s thankful, parang second life na rin niya ito. Nakahiga lang siya, nakaka-smile pa at usap sa bisita, parang ‘di nasasaktan, but I know he feels the pain,” kuwento pa ni Eton.
Si Neil ang kauna-unahang Mister International title holder ng Pilipinas nang masungkit niya ang titulo sa South Korea noong 2014.