Inanunsyo ng Manila Public Information Office (PIO) nitong Miyerkules, Agosto 26, na nasa full capacity na sa nakalipas na dalawang araw ang emergency room ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC).
Sa public advisory na inilabas ng Manila PIO sa kanilang Facebook page, katumbas ito ng 300% kapasidad ng naturang emergency room.
“Ipinapaalam po sa publiko na ang Emergency Room ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) ay kasalukuyang nasa FULL CAPACITY (300%) sa nakalipas na dalawang araw dahil sa patuloy na pagdami ng mga pasyenteng nangangailangan ng agarang atensyong medikal, kabilang ang mga suspected at confirmed cases ng Leptospirosis,” saad ng Manila PIO.
Nagpaalala rin sila sa mga pasyente na habaan ang kanilang pasensya kaugnay sa kasalukuyang estado ng ospital, kasabay ang paghingi nila ng pang-unawa at pakikiisa.
“Pinaalalahanan ang mga pasyente na nangangailangan ng emergency care na habaan ang pasensya ngunit mabibigyan din ng tamang [attention] or mailipat namin sa ibang pinakamalapit na ospital na may kakayahang pang tumanggap ng karagdagang pasyente, handa po ang [MDRRMO] ambulances sa paglipat ng pasyente,” anila.
Dagdag pa nila, “Hinihiling po namin ang inyong pang-unawa at pakikiisa habang patuloy na ginagawa ng OMMC ang lahat upang mabigyan ng nararapat na pangangalaga ang mga pasyente.”
“Maraming salamat po sa inyong paunawa,” pagtatapos ng Manila PIO.
Kaugnay nito, matatandaang inanunsyo rin ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) kamakailan na napuno ang kanilang emergency rooms matapos dumagsa ang mga pasyente at kaso ng leptospirosis.
MAKI-BALITA: Emergency rooms ng NKTI puno na, dinagsa ng leptospirosis patients!-Balita