August 30, 2026

Home BALITA Probinsya

₱569M halaga ng flood control sa Zambales, 'di umubra sa Habagat!

₱569M halaga ng flood control sa Zambales, 'di umubra sa Habagat!
BOTOLAN LGU

Umabot na sa tinatayang ₱569.27 milyon ang halaga ng pinsala sa mga flood-control structure sa Zambales matapos hagupitin ng malalakas na pag-ulan ang lalawigan, batay sa datos ng pamahalaan.

Kabilang sa napinsala ang mga dike, revetment at slope protection facility, ayon sa pinakahuling pinagsamang assessment ng Department of Public Works and Highways (DPWH) 1st at 2nd District.

Tinatayang ₱1.28 bilyon naman ang kinakailangan para sa recovery, rehabilitation at reconstruction ng mga napinsalang imprastraktura.

Pinakamalaki ang naitalang pinsala sa ilalim ng DPWH 1st District na umabot sa ₱472.42 milyon, habang tinatayang ₱1.17 bilyon ang kakailanganin para sa recovery at reconstruction.

Batay sa paunang assessment, ilang flood-control structure ang tuluyang napinsala, kabilang ang ilang bahagi ng Bucao River Dike 7 sa Barangay San Juan, Botolan.

Probinsya

4 na indibidwal na nawawala sa bumagsak na tulay sa Tarlac, hinahanap pa rin!

May kabuuang haba na mahigit tatlong kilometro ang mga nasirang bahagi ng slope protection, batay sa mga sukat na nakalista sa assessment ng DPWH.

Iniulat din na tuluyang nasira ang ilang slope protection structure sa kahabaan ng Tapuac River sa Masinloc; Tanguay River at Kiling River sa Cabangan; Bancal River sa Botolan; at Dalayap Creek sa Cabangan.

Samantala, nagtala ang DPWH 2nd District ng ₱96.85 milyong halaga ng pinsala, habang tinatayang ₱114 milyon ang kakailanganin para sa recovery at reconstruction.

Kabilang sa mga napinsalang istruktura ang Tamayok River revetment sa Barangay Mangan-Vaca, Subic; tatlong bahagi ng Matain River revetment sa Barangay San Isidro, Subic; at Sto. Tomas River revetment sa Barangay Sta. Fe, San Marcelino.

Tuluyang nasira ang Sto. Tomas River structure matapos bumagsak ang dike at concrete revetment nito.

294 bahay napinsala o nawasak

Batay naman sa pinakahuling ulat ng lalawigan, 294 na bahay ang napinsala o tuluyang nawasak hanggang Agosto 29. Sa bilang na ito, 264 ang napinsala habang 30 ang tuluyang nawasak.

Pinakamaraming napinsalang bahay ang naitala sa Subic na umabot sa 165, sinundan ng San Marcelino na may 37, San Antonio na may 33, at Palauig na may 29.

Nakapagtala naman ang Sta. Cruz ng 21 napinsalang bahay, habang 14 ang naitala sa Cabangan.

Patuloy na nakararanas ng malawakang pagbaha ang iba't ibang komunidad sa Zambales. Mahigit 14,000 residente ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga binahang tahanan at kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center o iba pang ligtas na lugar.

Nauna nang inaprubahan ng provincial board ang deklarasyon ng state of calamity sa Zambales dahil sa lawak ng pinsalang dulot ng mga nagdaang weather disturbance.