August 29, 2026

Home FEATURES Lifehacks

BALITriviA: Pagkakaiba ng ika- at pang- sa baybay ng mga bílang

BALITriviA: Pagkakaiba ng ika- at pang- sa baybay ng mga bílang
Photo courtesy: AI-generated image

Maraming nalilito sa kaibahan ng paggamit ng panlaping ika- at pang- lalo na sa pasulat na uri ng komunikasyon.

Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), partikular sa kanilang Manwal sa Masinop na Pagsulat, ang mga panlaping ika- at pang- ay kapwa ginagamit sa pagbuo ng mga ordinal na bilang (ordinal numbers o pagkakasunod-sunod).

Ipinaliwanag na ang ika- ay ginagamit upang tukuyin ang pagkakasunod-sunod ng mga bagay na binibilang, samantalang ang pang- ay tumutukoy sa tungkulin o posisyon ng tao o bagay sa isang hanay, gayundin ang dalas ng isang kilos o aksyon.

Madalas na ginagamit ang ika- sa pagtukoy sa petsa, oras, at numeral na pagkakasunod-sunod.

Halimbawa:

Lifehacks

‘ID at debit card combined!’ Paano makakapag-apply para sa bagong SSS Card?

Ika-

Si #BasyangPH ang ikalawang bagyong dumalaw sa Pilipinas nitong 2026.

Ginunita noong Agosto 21, 2026 ang ika-43 anibersaryo ng kamatayan ni dating senador Ninoy Aquino.

Nagsimula ang programa sa ganap na ika-10 ng umaga.

Laging nagdarasal ng orasyon ang mag-anak tuwing ikaanim ng gabi.

Pang-

Ang nabanggit na politiko ay nasa pang-anim na puwesto sa mga survey.

Hindi ko na mabilang kung pang-10 o pang-11 beses na akong kumukuha ng pagkain sa mesa.

Nilapitan ng guwardiya ang babaeng nasa pangatlong pila.

Kuwento ng kaniyang anak ay pandalawampu siya sa klase nila.

PAGSULAT AT PAGBABAYBAY

Ayon sa KWF, para sa ika-, kapag ang numero ay binaybay na pasalita, dapat ikabit ang ika- at alisin ang gitling; diretso na. Pero kapag binaybay sa numero o numeral mismo ang kasunod, dapat may gitling.

Ganoon din naman sa pang-, pero dapat din munang isaalang-alang ang asimilasyon.

Halimbawa:

Si Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang ika-17 Pangulo ng Pilipinas.

Masigabong palakpakan ang isinalubong ng mga manonood sa ikatlong grupo ng mga nagtanghal.

Pang-19 na customer na siyang nagreklamo sa nabanggit na restaurant.

Ang mga biyenan ng Kapuso star na si Bea Alonzo ay pang-apat sa pinakamayayamang Pilipino, ayon sa Forbes List.

Nagbabago ang anyo nito depende sa unang letra ng salitang-ugat na kasunod nito, o tinatawag na asimilasyon.

Nanatiling pang- kung ang kasunod ay patinig o mga katinig na k, m, n, ng, w, y. (Halimbawa: pang-apat, pangwalo). Nagiging pan- kung ang kasunod ay d, l, r, s, t. (Halimbawa: panlabing-isa, pansampu). Nagiging pam- naman kung ang kasunod ay b at p. (Halimbawa: pampito, pampitumpu't pito).

TANDAAN PA:

May isa pang mahalagang tuntunin: hindi ginagamit ang ika-1 o pang-1 dahil ang bilang na isa ay una, hindi ikauna ikaisa, o pang-una.

Para naman sa second (2nd) at third (3rd), ito ay "pangalawa" at hindi pandalawa, at "pangatlo" at hindi pantatlo, dahil magkakaroon na ito ng ibang kahulugan.

Halimbawa:

Maliit ang bangka dahil pandalawang tao lang.

Pantatlong tao na ang kinain niya kaya busog na busog siya.