“No visa no problem!”
Ito ang viral travel promotion na inilabas ng Department of Tourism (DOT) kamakailan hindi para sa panibagong travel package sa “instagram-worthy” landscapes sa ibang bansa ngunit sa Makati City.
Saad pa ng ahensya, swak pa ito sa mga naghahanap ng destinasyon sa susunod nilang urban adventure sa loob lang ng Pilipinas.
Marahil, napapakamot na ng ulo ang sinumang mambabasa dahil ang lungsod ay kilalang “business district” sa Metro Manila at hindi bilang travel destination.
“UNITED STATES OF MAKATI” TREND
Para sa mga chronically online o laman ng social media, mapapanood na sa mga nagdaang araw, nagkalat ang reels na nagpapakita ng buhay ng Overseas Filipino Workers (OFW) sa pausong “United States of Makati.”
Isa sa mga pinaka unang nagpauso nito ay ang netizen na si Nick kung saan ibinahagi niya ang buong araw niya bilang “OFW” sa lungsod ng Makati mula sa pagbili ng kape sa umaga, pagdalo sa mga meeting niya sa trabaho, pagpunta sa gym pagkatapos ng trabaho, at pag-uwi sa bahay niya ng 11:30 PM.
Sa sumunod pang updates ni Nick sa TikTok, mapapanood din ang kaniyang “Buhay OFW” sa Makati City kapag Petsa de Peligro at maging ang mga hinaing niya sa traffic at paglusong sa baha tuwing umuulan.
Sa updates na ito, maririnig ang ilan pang pausong termino tulad ng “Makati Dollars” para sa pera ng lungsod at “Makatinese” para sa kanilang wika.
Bagama’t mayroon nang mga sariling bersyon ang iba’t ibang netizens dahil sa pag-viral ng updates ni Nick, ibinahagi niya sa eksklusibong panayam sa Balita na nagmula ang kaniyang content sa mga karanasan bilang bagong salta sa Metro Manila.
Dahil aniya, ipinanganak at lumaki siya sa Bacolod City, Negros Occidental at naging aktwal na OFW bilang isang seafarer o mandaragat sa Europa bago lumipat sa Makati City para magtrabaho.
“Yung OFW in Makati started as a joke from my experience adjusting to life in the city. Since naging OFW na rin ako before, naisip ko nakakatawa na parang OFW ulit, pero sa Makati naman,” saad ni Nick.
Ibinahagi rin ni Nick na sa palagay niya, naging relatable ang contents niyang “United States of Makati” sa social media dahil naniniwala siyang maraming Pinoy ang pumapasok sa iba’t ibang oportunidad na nakahain sa kanila habang humahanap ng lugar na matatawag na tahanan.
“The United States of Makati video started as a joke, but I guess it resonated because many of us have our own version of being an OFW, chasing opportunities while trying to make a new place feel like home,” saad ni Nick.
Samantala dahil viral, kaniya-kaniyang trip naman ang netizens sa bawat pakulo ni Nick sa kaniyang “Buhay OFW sa Makati” contents.
“waiting nalang po ako makati visa huhu sana palarin”
“Ang hirap po magdrive dyan sa US of Makati, ang dami ko huli tska need ng international driver’s license. ”
“nakakatuwa nmn na marunong din magtagalog ung mga taga makati! nakaka homesick talag[a]”
“buti pinoy rin nagtitinda! grabe homesick sa pinas eh”
“Overworked Filipino Workers po ba”