Naglabas na ng pahayag ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) kaugnay sa napansin ng ilang netizens na tila may bahid ng artificial intelligence ang dalawang lahok na larawan sa kanilang 2026 Photography Contest.
Tig-isang lahok ang inulan ng batikos sa dalawang kategoryang ito. Sa drone category, pinutakti ang "Where Dreams Take Flight" mula sa Daanbantayan, Cebu gayundin ang "Kadang-kadang" sa mobile category na mula sa Tagum City, Davao del Norte.
Kaya sa latest Facebook post ng PAGCOR nitong Linggo, Agosto 30, sinabi nilang magsasagawa sila muli ng masusing pagsusuri para aksyunan ang nasabing isyu.
“PAGCOR places a premium on fairness and the integrity of the competition,” saad ng PAGCOR. “Hence, we are conducting a more thorough review of all the entries in light of the concerns raised, particularly on the use of artificial intelligence and digital manipulation.”
Dagdag pa ng korporasyon, “This additional review is intended to ensure that all entries are compliant with the contest rules and that every participant is afforded a fair and level playing field.”
Matatandaang nagsimulang tumanggap ng mga lahok ang PAGCOR mula noong Pebrero 1 hanggang Hunyo 30.
Ngayong taon, nakasentro ang tema ng patimpalak sa “Kids@Play” upang ipagdiwang ang diwa ng paglalaro ng mga mamamayan at komunidad.
Tiniyak naman ng PAGCOR na mananatili silang patas, credible, at transparent sa proseso ng kompetisyon bago nila inanunsyo ang mga mananalo sa Setyembre 15, 2026.