Matagumpay na nahuli sa bahay ng isang residente sa Malabon City ang isang rat snake nitong Sabado, Agosto 29.
Batay sa ulat ng Malabon City Command Center Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), nakita ng mga rumesponde nilang tauhan ang ahas sa ilalim ng lababo ng residente.
Matapos itong mahuli, tiniyak ng DRRMO na maayos nilang nai-turnover ito sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa nararapat na pangangalaga at disposisyon.
Sa kaugnay na ulat, ang rat snake ay nonvenomous na ahas na isa sa mga pangunahing pagkain ay maliliit na hayop tulad ng daga.
Ayon sa DENR, ito ay endemic sa Luzon at kadalasang matatagpuan sa mga kagubatan at mga bukirin.