Kinaaliwan ng mga netizen ang kakaibang suhestiyon ng transport journalist at road safety advocate na si James Deakin sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, kasabay ng patuloy na usapin tungkol sa mga flood control project at umano’y mga “ghost project” sa bansa.
Sa kaniyang social media post nitong Linggo, Agosto 9, pabirong iminungkahi ni Deakin na sa halip na karaniwang pangalan ang gamitin sa pagtukoy sa mga bagyo, pangalan ng mga tiwaling opisyal na umano’y sangkot sa mga maanomalyang flood control project ang gamitin.
“Dear DOST-PAGASA, instead of choosing random names for typhoons, we should start naming them after corrupt officials. Especially those involved in the flood control ghost projects."
"Whatcha think? Share if you agree," aniya.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizen. May mga nagsabing may mga nakalinya na sila mula A hanggang Z, at may mga nagsabi pang kulang pa raw ang mga papasok na bagyo sa Pilipinas sa dami ng mga tiwaling opisyal sa pamahalaan, lalo na ang mga nasasangkot umano sa flood control scam.
"This is a very good suggestion Sir. Let's start with Typhoon..."
"Kukulangin ang bagyo sa dami ng names"
"Last name or Full name ba dapat para mas specific? Lol"
"Agree! The most intense one is the most corrupt!"
"Yeah! Attribute it to them"
Matagal nang pinag-uusapan ang mga umano’y “ghost flood control projects,” partikular ang mga proyektong pinondohan ng pamahalaan ngunit sinasabing hindi naman aktuwal na naipatupad o hindi tumutugma sa halagang inilaan para rito.
Sa kasalukuyang sistema, may sarili nang listahan ng pangalan ang PAGASA para sa mga tropical cyclone na pumapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR), habang gumagamit din ng international names ang Japan Meteorological Agency (JMA) bilang Regional Specialized Meteorological Center.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang PAGASA tungkol sa suhestyon ni Deakin.