Sinaluduhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang isang dating Person Deprived of Liberty (PDL) dahil sa kaniyang pagpasa sa Civil Service Commission (CSC) Penology Officer Examination.
Sa mensaheng pagbati ng BJMP Naujan District Jail noong Miyerkules, Agosto 5 kinilala ang nasabing dating PDL bilang si Rainel L. Seña.
Anila, naging kahanga-hanga ang ipinamalas na determinasyon, tiyaga, at paniniwalang makapagsimula muli ni Seña upang ipagpatuloy ang kaniyang paghahanda para sa pagsusulit na isinagawa noong Hunyo 7.
Sa bahagyang pagbabalik-tanaw ng ahensya, ibinahagi nilang noong Abril 2 ay humiling si Seña ng tulong para makap-apply sa CSC Penology Officer Examination habang nasa kustodiya pa siya ng BJMP Naujan District Jail.
Sa tulong nina JO1 Patrick John M. de Guzman, Help Desk Officer at JO1 Mc Gregor Rodriguez, Paralegal Officer, agad na naisagawa ang mga kinakailangang koordinasyon at paghahanda ng mga dokumento kabilang ang pagproseso ng court order at pakikipag-ugnayan sa CSC Pinamalayan Field Office.
Kaya pagdating ng Abril 8 sinamahan si Seña ng ilang personnel ng BJMP Naujan District Jail sa CSC Pinamalayan Field Office upang opisyal na maiproseso ang kaniyang aplikasyon.
Pagdating naman ng Abril 27, nakalaya na si Seña matapos ma-dismiss ang kaso niya.
Ibinahagi ng BJMP na hangarin ni Seña na maging bahagi ng kanilang ahensya bilang isang Jail Officer upang makapaglingkod sa publiko at maging testimonya na posible ang pagbabago.
"Sa BJMP Naujan District Jail, naniniwala kami na ang rehabilitasyon ay hindi nagtatapos sa loob ng piitan. Ito ay nagpapatuloy sa pagbibigay ng pagkakataon sa bawat indibidwal na bumangon, mangarap, at muling makapaglingkod sa lipunan," saad ng BJMP sa pagtatapos ng kanilang mensahe.