Nagbigay ng abiso ang Department of Health (DOH) kaugnay sa mga pekeng medical subsidies gift na kumakalat online.
Sa paalalang ibinahagi nila sa kanilang Facebook page nitong Linggo, Agosto 9, nilinaw nila kung paano makukuha ng publiko ang mga opisyal na medical assistance galing sa ahensya.
“Nagbabala ang Department of Health (DOH) laban sa mga pekeng DOH link, website, at social media page na nagpapakalat ng maling impormasyon ukol sa pamimigay ng P30,000 na tulong medikal,” panimula ng DOH.
Anila, “Ang mga opisyal na medical assistance ay makukuha sa pagpunta sa mga DOH hospitals, accredited health facilities, at pag-apply online gamit ang eMAIFIP sa eGovPH superapp.”
Abiso pa ng health department, iwasang i-click, sagutan, o ibahagi ang mga nasabing link o website—at maging mapanuri hinggil sa mga kahina-hinalang post na makikita online.
“Pinapayuhan ang publiko na huwag i-click, sagutan, o i-share ang naturang link o website, lalo na kung humihingi ito ng personal na impormasyon, bank details, o iba pang sensitibong datos,” anang ahensya.
Dagdag pa nila, “Ang lahat ng lehitimong programa, medical assistance, at anunsyo ng DOH ay inilalabas lamang sa opisyal nitong Facebook page at social media platforms.”
“Maging mapanuri. Huwag basta-basta maniwala sa mga kahina-hinalang post online. Kung makatatanggap ng ganitong mensahe, i-report at iwasang ibahagi upang hindi na makabiktima ng iba,” pagtatapos ng DOH.