Hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong ng isang korte sa Japan ang isang Filipino technical intern matapos mapatunayang responsable sa pagpatay sa dalawang Cambodian technical intern na kasama niya sa tinitirhang apartment malapit sa Tokyo noong 2022.
Ipinataw ng Chiba District Court ang life imprisonment kay Roel Bulan, 35, alinsunod sa hinihingi ng mga prosecutor.
Sa kaniyang desisyon, sinabi ni Presiding Judge Satoshi Miyamoto na nakaranas man umano ng stress at mababang self-esteem si Bulan dahil sa hindi natupad na employment plans at pagkakaiba ng sahod nila ng dalawang Cambodian intern, hindi ito sapat na dahilan upang bigyang-katwiran ang kaniyang ginawa noong 2022.
“The victims had treated the defendant kindly and were not at fault in any way,” ani Miyamoto tungkol sa pagpatay sa dalawang biktima sa Tomisato, Chiba Prefecture.
“This was a brutal, one-sided and highly dangerous crime,” dagdag pa ng hukom.
Batay sa desisyon ng korte, dakong 1:30 ng madaling-araw noong Mayo 26, 2022 nang pagsasaksakin umano ni Bulan sa dibdib gamit ang kitchen knife sina Mong Samet, 25, at Chhat Chhit, 20, na kapwa Cambodian nationals.
Naganap ang insidente sa apartment na kanilang tinitirhan sa Tomisato.
Ayon sa korte, nagtamo rin ng pinsala sa sarili si Bulan matapos ang insidente.
Bunsod nito, sinabi ni Miyamoto na walang sapat na dahilan ang pagpatay sa dalawang biktima upang isama sila sa kaniyang pagtatangkang magpakamatay.
“The motive to involve the victims in his suicide by killing them is nothing short of selfish,” pahayag ng hukom.
Samantala, iginiit ng depensa na dapat mapawalang-sala si Bulan dahil mayroon umano siyang schizophrenia mula pa noong panahong dumating siya sa Japan at hindi siya maaaring managot sa batas noong naganap ang mga pagpatay.
Gayunman, hindi ito pinaboran ng korte.
Napagpasyahan ng mga hukom na ganap na may pananagutang kriminal si Bulan, matapos matukoy na nauunawaan niya nang maayos ang kaniyang paligid at ang kaniyang mga ginagawa nang mangyari ang insidente.
Dahil dito, ipinataw sa kaniya ang life imprisonment para sa pagpatay sa dalawang Cambodian technical intern.