August 07, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: ‘Sacrificial’ at ‘genuine love’ ng isang tiyuhin sa kaniyang pamilya, kinaantigan!

#BalitaExclusives: ‘Sacrificial’ at ‘genuine love’ ng isang tiyuhin sa kaniyang pamilya, kinaantigan!
Photo courtesy: Lorens Soberano/TikTok


‘HE GAVE UP HIS OWN DREAMS PARA SA PANGARAP NG PAMILYA NILA’

Humaplos sa puso ng netizens ang kuwento ng “sacrificial love” at tunay na pagmamahal na alay ng isang lalaki para sa kaniyang pamilya.

Viral ngayon sa TikTok ang ibinahaging video ng uploader na si Lorens Soberano, kung saan mapapanood ang video ng kaniyang tiyuhin na mag-isang namumuhay nang tahimik sa tahanan nito sa kanilang probinsya.

Sa naturang video, inilahad niya na ang kaniyang tiyuhin daw ang “best example” ng tinatawag na “genuine love.”

“My uncle is the best example of what genuine love truly is. 16 na magkakapatid at laki sa hirap. As the years passed, they slowly went their separate ways,” mababasa sa video.

“Instead of finding work, building a life of his own, and starting a family, he chose to stay and take care of my grandparents. Now that they are both gone, mag-isa siya sa buhay without wife, children at pinag-aralan,” dagdag pa nito.

“In short, he gave up his own dreams para sa pangarap ng pamilya nila; and the hard part is, uuwi [na ako] pabalik sa [M]anila at marinig [sa kaniya] na ‘ako [na lang] maiiwan dito, bakasyon ka dito ulit ha,’” muling mababasa sa video.

Sa ekslusibong panayam ng Balita kay Lorens Soberano, 21-anyos mula sa Parañaque City, inilarawan niya ang kaniyang tiyuhing si Raul Anciano Soberano, 41-anyos, mula sa Victorias City, Negros, Occidental, bilang isang responsable at disiplinadong tao.

“Si tito is sobrang responsible and disiplinado niyan. Simula bata ‘yan sila kuwento ng mother ko, sobrang sipag niyan magtrabaho. Wala na ‘yan ibang inisip kung hindi makatulong sa family nila. Nakapag-aral sila hanggang high school pero siya elementary ‘yong natapos niya kasi mas pinili niyang magtrabaho para sa pang araw-araw na pangangailangan nila. Sa sobrang hirap ng buhay, mas pinili niyang maging praktikal kasi ‘yon ang magtatawid sa kanila sa pang araw-araw na buhay nila sa probinsya,” kuwento ni Soberano.

Aniya, “Sobrang bait ni tito lalo na sa aming mga pamangkin o kamag-anak niya. Sa totoo lang, siya ‘yong rason [kung] bakit ako nakapagbakasyon that time kasi siya ‘yong nagpamasahe sa akin…kasi sobrang tagal ko na din hindi nakapagbakasyon. Even may mga pangangailangan siya para sa sarili niya, hindi niya pa rin kami nakakalimutan. Kahit nagpapadala mga kapatid niya, siya minsan para sa mga pamangkin niya lalo na sa akin para sa school allowance ko and sa mga pamangkin niya sa probinsya.”

“Wala siyang ibang iniisip kung hindi kami lang kasi wala naman siyang ibang paggagastusan. Lagi niya lang sinasabi ‘ibibigay ko na lang sa inyo kaysa ibili ko nang kung ano-ano.’ Simple lang pamumuhay niya ngayon. Hindi magarbo pero mayaman siya sa kaibigan at sa pagmamahal ng mga tao dahil sa ugali niya,” dagdag pa niya.

Inilahad din niya kung paano niya nalaman ang dahilan sa likod ng mga naging desisyon ng kaniyang tiyuhin.

“Not directly nasabi sa akin pero narinig ko noong nag-uusap sila ng mother ko and ibang kapatid. He always says na mas pipiliin niya ‘yong mabuhay sa probinsya para maalagaaan ‘yong lolo at lola ko noong buhay pa sila. Mas sanay siya sa buhay-probinsya then mas gusto niyang alagaan sina lola then bantayan ‘yong bahay namin kung saan sila lumaki. It [was] his own decision talagang huwag mag-asawa kasi natatakot siyang maiwan ‘yong magulang nila at walang mag-alaga,” aniya.

Isiniwalat din ni Soberano ang dahilan kung bakit niya ibinahagi sa social media ang kuwento ng kaniyang tito.

“Kasi gusto ko i-share ‘yong buhay na mayroon ‘yong tito ko. On that day kasi, sinasabi niya na sa akin na nalulungkot siya kung minsan kasi taon lang kami makauwi. Gusto ko i-share ‘yong totoong scenario ng buhay niya kasi alam ko na maraming taong katulad ni tito; ‘yong sacrificial love na tinatawag. Kahit pa kasi sabihin nating walang pagsisisi, pero alam ko na kahit minsan naisip din ng tito ko ‘yong buhay na gusto niya talaga. Hindi ako nagkamali kasi ang daming taong nag-reach out and nagkwento ng buhay nila at doon ako naging emotional. Pero gusto ko maging inspired sila kasi alam ko na walang mas makakapantay sa pagmamahal sa magulang at kapatid. ‘Yan ‘yong gusto ko din ma-realize ng tao,” paglalahad niya.

Sa huli, ibinahagi ni Soberano ang mensaheng nais niyang iparating sa kaniyang tiyuhin.

Human-Interest

Dating PDL, pasado sa CSC Penology Officer Examination

“Taon na lang po bibilangin tito makaka-graduate na po ako. Ako ang kauna-unahang pamangkin mo na malapit sa’yo na makakapagtapos. Hindi ‘to para lang sa sarili ko kasi palagi ko sinasabi na kaya mataas ‘yong pangarap ko kasi para din sa inyo ‘to. Babawi ako ‘pag may maganda na akong trabaho at sana malakas pa kayong lahat para maranasan ninyo din ‘yong bahay na walang tulo ang bubong at hindi mainit. Hindi ninyo na kailangang mangutang para makakain. Bilib ako sa tito ko kasi isa siya sa nag-push sa akin para mas lalo ko pa sipagan abutin ‘yong mga pangarap ko,” pagtatapos ni Soberano.

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, nakalikom na ang naturang video ng 248.2k views, 34.1k hearts, 260 comments, at 455 shares.