Nagkomento ang Akbayan Party-list hinggil sa pinakawalang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa ikinasa niyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes ng hapon, Hulyo 27 sa Batasang Pambansa, Quezon City, ukol sa pagpapatanggal ng systems loss sa electric bills na ipinapasa sa mga konsyumer.
Saad ng grupo, hindi raw ito kusang-loob na biyaya ng pamahalaan.
“Ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kayang ikalimang SONA na dapat nang alisin ang systems loss sa Meralco bills ay hindi kusang loob na biyaya ng pamahalaan,” saad ng Akbayan sa kanilang social media post nitong Lunes, Hulyo 27.
Anila, “Ito ay bunga ng matagal at matatag na laban ng mamamayan sa hindi makatarungan at pabigat na singil sa kuryente.”
“Ito ay inisyal na tagumpay ng mamamayan, hindi regalo ng pamahalaan,” dagdag pa nila.
Anang grupo, hindi sapat ang pahayag, bagkus kailangan ito ng isang Congressional action.
“Ngunit hindi sapat ang pahayag lamang. Ang pag-aalis ng systems loss, kasama ng iba pang dagdag at hindi malinaw na bayarin sa electricity bills, ay nangangailangan ng Congressional action,” anang grupo.
“Kaya’t hinahamon ng Akbayan ang Kongreso. Bigyan ng laman ang pangako ng Pangulo. Isabatas ang pag-aalis ng systems loss at iba pang hindi makatarungang singilin, upang ang ginhawang ipinangako ay maging tunay na ginhawang mararamdaman ng bawat Pilipino,” pagtatapos ng Akbayan.