Arestado ang isang 62-anyos na lalaki matapos umano niyang tapikin ang pwet ng isang 27-anyos na babae habang sakay sila ng pampasaherong jeepney sa Sampaloc, Maynila.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), nagulat ang babae nang bigla umano siyang tapikin sa kaliwang bahagi ng kaniyang puwitan habang bumibiyahe.
Nang kaniyang lingunin ang nasa likuran, nakita umano niyang nakangiti ang suspek at nag-thumbs up pa sa kaniya.
Agad namang humingi ng tulong ang babae sa driver ng jeepney at nakiusap na ihatid siya sa lugar na malapit sa police station upang maipagbigay-alam ang insidente.
Kalaunan ay naaresto ng mga awtoridad ang suspek at dinala sa Barbosa Police Station para sa imbestigasyon at kaukulang proseso.
Inihahanda naman ang pagsasailalim sa inquest proceedings ng lalaki dahil sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act, na kilala rin bilang Bawal Bastos Law.
Saklaw ng batas ang gender-based sexual harassment sa mga pampublikong lugar, kabilang ang mga pampublikong sasakyan gaya ng jeepney.
Kabilang sa mga ipinagbabawal na gawain ang hindi kanais-nais na pisikal na paglapit o paghipo sa isang tao.
Patuloy namang inaalam ng pulisya ang buong detalye ng insidente habang isinasagawa ang kaukulang proseso laban sa suspek.