Kalaboso ang isang 28-anyos na negosyante matapos umanong makipagtalo sa isang motorista, magpakilalang pulis at hamunin ng suntukan ang limang traffic enforcers sa Parañaque City.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, umano’y sinundan ng lalaki ang isang motorista matapos ang hindi pagkakaunawaan sa kalsada.
Tumigil ang kaniyang sasakyan sa intersection ng Doña Soledad Avenue at France Street, kung saan nagkataong naroon ang mga traffic enforcer.
Sa halip na umalis, bumaba umano ang lalaki mula sa kaniyang sasakyan at sinabing isa siyang pulis. Napansin din umano ng mga enforcer na nakainom siya.
Lalo umanong uminit ang sitwasyon nang sigawan ng suspek ang mga traffic enforcer at hamunin silang makipagsuntukan.
Mabilis namang umawat ang mga enforcer upang hindi na lumala ang komprontasyon. Dumating din sa lugar ang motorista na sinundan umano ng suspek at itinuro ito bilang taong sangkot sa naunang insidente.
Nang hingan ng mga enforcer ng dokumentong magpapatunay sa kaniyang sinasabing pagiging pulis, hindi umano nakapagpakita ang lalaki ng anumang katibayan.
Dahil dito, tuluyan siyang inaresto at dinala sa Parañaque City Police Station para sa imbestigasyon at kaukulang legal na proseso.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Kim,” isang negosyante at residente ng lungsod.