Diretsahang ipinahayag ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno ang naisin niyang mapanagot ang mga “buwayang” sangkot umano sa mga anomalya sa flood control projects sa bansa.
Sa Facebook post ni Diokno nitong Linggo, Hulyo 26, binanggit niyang mag-iisang taon na mula ng binitiwan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pangako niyang pananagutin ang mga “buwaya” sa flood control.
Tugon ng mambabatas, sa gaganaping ikalimang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes, Hulyo 27, hindi pangako ang kailangan ng bayan, kung hindi ang pagsasakatuparang mapanagot ang mga umano’y kurakot na ugat ng mga anomalya sa flood control projects.
“Mag-iisang taon na nang sinabi ng pangulo sa kanyang SONA na mananagot ang mga buwaya sa flood control. Ngayong SONA, hindi pangako ang kailangan ng bayan kundi MAPANAGOT ANG MGA KURAKOT,” kahilingan ni Diokno.
Matatandaang unang pinatutsadahan ni PBBM ang mga umano’y nangurap sa flood control projects ng bansa na umano’y nagpalala sa mga pagbabaha sa mga lugar na tinatamaan ng Habagat at iba’t ibang bagyo, sa kaniyang ika-apat na SONA noong Hulyo 2025.
“Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha. Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo! Na ibinulsa n'yo lang ang pera!” mainit na saad ni PBBM.
MAKI-BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'
Kaya noong Agosto 2025, inilunsad ni PBBM ang “Sumbong sa Pangulo” website, kung saan, hinihikayat ang taumbayan na direktang iparating sa kaniya ang kanilang mga sumbong at hinaing sa mapapansin nilang kapalpakan sa flood control projects sa lugar nila.
MAKI-BALITA: 'Sumbong sa Pangulo' flood control tracker, inilunsad ni PBBM: 'Ako mismo ang babasa!'
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga lugar na talamak ang flood control projects