Ipinagdiriwang ngayong Biyernes, Hulyo 17, 2026, ang National Tattoo Day hindi sa Pilipinas, kundi pati na rin sa maraming bansa sa buong mundo.
Tandaang isa ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo na may malalim na kasaysayan ng pagta-tattoo. Bago pa man dumating ang mga Kastila noong 1521, matagal nang nananalaytay sa mga balat ng mga ninuno ang mga tinta na tanda ng kanilang kadakilaan at katapangan.
Kaya nga nabansagang "Pintados" o "the painted ones" ang ating mga ninuno ng grupo ni Ferdinand Magellan nang dumaong sila bansa.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin nawawala sa kultura ang pagta-tattoo ng mga Pinoy na may kaniya-kaniyang dahilan at kahulugan.
Ngunit hindi maiiwasan na marami sa mga Pilipino ang nakakaranas ng diskriminasyon dahil sa pagturing sa kanila ng iba na mga kriminal dahil sa mga tattoong nakaburda sa kanilang mga balat.
Dahil dito, mahalagang malaman kung ano nga ba ang kahulugan ng tattoo para sa mga ninuno noong unang panahon at ang papel nito sa kultura ng Pilipinas sa kasalukuyan.
Ayon sa naging paliwanag ng historyador na si Xiao Chua sa dinaluhan niyang klase limang taon na ang nakalilipas noong 2020, ipinaliwanag niyang tanda ng tagumpay ng isang datu noong unang panahon ang dami ng tattoo na nakaburda sa kanilang mga katawan.
“Tandaan natin na kung ang Lapulapu ay isang datu na magaling na mandirigma, kailangang sobrang dami niyang tattoo. Kasi ‘yong achievements mo bilang isang mandirigma ay nakabatay sa dami ng tattoo mo,” pagsisimula niya.
Ani Chua, nakabatay raw sa dami ng napugutang ulo ng isang mandirigma at mga buhok ng kalaban nila inilagay nila sa hawakan ng kanilang kampilan ang tanda ng kanilang tagumpay at dami ng mga tattoo sa katawan.
Aniya pa, representasyon din daw ng mga nabanggit na tagumpay ng isang mandirigma kung gaano sila kalakas.
“Kapag mas maraming tattoo, hindi mas kriminal. Kapag mas maraming tattoo noong unang panahon, siya’y isang mandirigma,” paliwanag niya.
Dapat nga bang basta na lang ituring na kriminal ang isang taong may tattoo, o kung ex-convict sila, balidasyon ba iyon?
Depensa ni Chua, naniniwala raw siyang hindi na kailangan pang lumikha ng batas para lang hikayatin ang mga Pilipino huwag tingnan bilang gawaing kriminal ang pagta-tattoo at pagpapalagay nito sa katawan.
“I don’t think that we need tha law to encourage people to look at the tattooing not as a way of na kriminal sila. Kahit ‘yong mga kriminal, hindi dapat sila binibigyan ng stigma kahit may tattoo sila,” ‘ika niya.
Dagdag pa niya, “Kapag ex-convict ka, dapat kapag nakalaya ka na ay tinatanggap ka na sa lipunan. Kasi nga ikaw ay nakalaya na, ikaw ay nakapag-serve na, ‘yong pagkakasala mo ay nabayaran mo na.”
Diin ni Chua, hindi raw dapat minamaliit ang kultura ng pagta-tattoo sa Pilipinas lalo na kung pag-aaralan sa pamamagitan ng antropolohikal na pag-aaral ang paraan at mga dahilan ng mga nakakulong kung bakit sila nagpapa-tattoo.
“Hindi dapat natin ini-small ‘yong tattoo culture sa Pilipinas. Kasi kapag pinag-aralan mo ‘yan in a anthropological way, itatanong mo, ‘Ano ‘yong nilalagay nila diyan? Ano ‘yong mga nilalagay nilang mga mukha, ‘yong mga mahal nila sa buhay, ‘yong mga nanay nila, ‘yong mga asawa nila?” paalala niya.
“Nilalagay nila ‘yong kanilang mga Panginoon. Maraming disenyo diyan. Kapag pinag-aralan mo ‘yan, malalaman mo kung ano ba ‘yong mahalaga para sa mga taong nakakulong It would be a window how to understand them. How to cater to their needs, spiritual and otherwise,” paliwanag pa niya.
Paghahalimbawa ni Chua, posible raw na makita ng marami ang koneksyon ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng pagta-tattoo.
Aniya, may napanood daw niya na isang play na may kaugnayan kay Whang-od, ang pinakamatandaang magbabatok sa Pilipinas, sa De La Salle University noon.
Pagkukuwento niya, may mga katutubong Kalinga daw na ayaw nang tanggapin ang kultura ng pagta-tattoo kasi raw kailangan nilang itago noon ang kanilang mga tattoo sa dahilang tinatawag daw silang mga kriminal.
Pagpapatuloy niya, nawalan daw ng kumpyansa ang mga lokal sa Kalinga sa pagbabatok o pagbabatek noon ngunit nagkaroon daw ng bagong pag-asa na ituloy nila ang kultura ng sinaunang paraan nila ng pagta-tattoo nang sumikat ang pangalan ni Whang-od.
Dahil dito, dinadayo na raw ng maraming Pilipino at maging ng mga tao mula sa iba’t ibang mga bansa ang Kalinga upang magpa-tattoo sa katutubo nilang paraan.
“Hindi siguro kailangan ng batas. Ang kailangan dito ay bukas na isip ng lahat at ituro nang ituro sa mga tao, at pag-usapan itong kulturang ito para maintindihan ng mga tao na ito ay bahagi ng ating kultura,” pagtatapos pa niya.
Ang punto, matagal nang nakaukit sa balat ng pagiging Pilipino, noon pa man, ang saysay sa kasaysayan ng pagta-tattoo. Hindi balidasyon ng pangdidiskrimina ang pagkakaroon ng maraming nakaburdang tinta ng isang indibidwal. Ito ay singing. Ito ay isang malalim na kultura.