August 13, 2026

Home BALITA Metro

DENR-NCR, atbp nag-waterway ops, cleanup drive kontra basura

DENR-NCR, atbp nag-waterway ops, cleanup drive kontra basura
Photo courtesy: DENR-NCR


Nagkasa ang Department of Environment and Natural Resources - National Capital Region  (DENR-NCR), katuwang ang iba pang mga ahensya at institusyon, ng malawakang waterway operations at cleanup drive sa Metro Manila upang linisin ang mga nagkalat na basura sa iba’t ibang mga lungsod sa rehiyon.

Kasunod ito ng sunod-sunod na malalakas na ulang ibinuhos ng southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng bansa, partikular na sa Luzon.

Sa serye ng Facebook posts na ibinahagi ng DENR-NCR noong Miyerkules, Agosto 12 at nitong Huwebes, Agosto 13, makikita ang mga inisyatibong isinagawa ng mga ahensya at institusyon.

Sa Sapang Liwanag Creek sa Pasig City, nilinis nila ang katubigan kasabay ng pagdami ng water hyacinth, pati na rin ang pag-ipon ng iba pang waste materials.

Ikinasa rin ang paglilinis sa coastal area ng Barangay Bagumbayan North, Navotas City—na siyang itinuturing na catch basin kung saan naiipon ang mga basurang nagmumula sa iba’t ibang lugar sa NCR.

Isinagawa naman sa Kalamiong Creek sa Quezon City ang hiwalay na preventive cleanup upang matanggal ang mga basurang humahadlang sa natural na daloy ng tubig.

Kasama ring nilinis ang Manila Baywalk Dolomite Beach na inanudan ng maraming basura matapos ang sunod-sunod na ulan.

“Protecting Metro Manila’s waterways is a responsibility shared by all; before, during, and after every storm,” giit ng DENR-NCR.

Kaugnay nito, idiniin naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na kritikal na ang sitwasyon ng basura sa bansa, ngunit hindi niya raw ito matatawag na krisis.

“Yeah, it certainly is. But, just look at it. Does that look critical to you? It does to me. So yes, I wouldn't call it a garbage crisis, but that is the problem that we are facing,” saad ni PBBM sa media noong Miyerkules, Agosto 12, matapos niyang personal na inspeksyunin ang Diokno Pumping Station sa kahabaan ng Jose W. Diokno Boulevard North, Pasay City.

MAKI-BALITA: PBBM, idiniin kritikal na sitwasyon ng basura sa gitna ng pagbaha, pag-ulan-Balita