Ipinagdiinan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na maituturing nang “critical” ang garbage situation ng bansa sa kasalukuyan, matapos ang pagsambulat ng sandamakmak na basura kasunod ang ilang araw na pag-ulang ibinuhos ng southwest monsoon o habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa, partikular na sa Luzon—na nagdulot din ng malawakang pagbaha.
Sa pakikipanayam ni PBBM sa media, matapos ang kaniyang pag-inspeksyon sa Diokno Pumping Station sa kahabaan ng Jose W. Diokno Boulevard North, Pasay City nitong Miyerkules, Agosto 12, iginiit niyang hindi niya ito matatawag na krisis, ngunit ito raw ay isang problemang kinahaharap ngayon ng Pilipinas.
“Yeah, it certainly is. But, just look at it. Does that look critical to you? It does to me,” saad ni PBBM.
Diin pa niya, “So yes, I wouldn't call it a garbage crisis, but that is the problem that we are facing.”
Gayong kritikal daw ang sitwasyon ng basura sa kasalukuyan, matatandaang inilahad naman ng Pangulo na hindi na raw malala ang bahang nararanasan ngayon.
Aniya, bunsod daw ito ng mga ginagawa ng pamahalaan na inamin niya namang kulang pa rin.
“Hindi ganoon kalala ang [pagbaha], medyo nabawasan. Dati hanggang sa leeg, hanggang dibdib umaabot; ngayon e wala pa, kulang pa sa tuhod ang baha,” saad ni PBBM sa kaniyang pag-inspeksyon sa high-vacuum self-priming drainage trailer pump sa Alido Bridge sa Barangay Zapote, Las Piñas City noong Martes, Agosto 11.
“So effective naman ang ating ginagawa ngunit alam naman nating kulang pa rin ‘yan. Marami pa tayong kailangang gawin dahil itong halimbawa sa dredging, ngayon lang tayo nag-de-dredge ulit na tinigil ng moratorium sa dredging for 12 years,” dagdag pa niya.
MAKI-BALITA: PBBM sa baha: Dati hanggang leeg, dibdib umaabot; ngayon kulang pa sa tuhod-Balita