August 11, 2026

Home BALITA

PBBM sa baha: Dati hanggang leeg, dibdib umaabot; ngayon kulang pa sa tuhod

PBBM sa baha: Dati hanggang leeg, dibdib umaabot; ngayon kulang pa sa tuhod
Photo courtesy: RTVM/YT


Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang aniya’y hindi na ganoon kalalang bahang nararanasan tuwing bubuhos ang malalakas na ulan.

Kasunod ito ng pag-inspeksyon ni PBBM sa high-vacuum self-priming drainage trailer pump sa Alido Bridge sa Barangay Zapote, Las Piñas City nitong Martes, Agosto 11.

Sa isang media statement, ibinida ng Pangulo ang umano’y kulang sa tuhod na baha, na dati ay umaabot pa raw hanggang leeg at dibdib.

“Good morning, everyone. Nandito ngayon tayo sa Las Piñas, tinitingnan natin ang effect ng naging malakas na ulan [sa] nakaraang ilang araw,” panimula ni PBBM.

Aniya, “Mabuti naman ay tama naman dahil sa binigay kong instruction sa DPWH, patuloy ‘yong dredging na ginagawa—and mukhang nagkaroon naman ng epekto.”

National

Ateneo sa pamilya Baterbonia: 'We remain here for them, whenever they are ready!'

“Hindi ganoon kalala ang [pagbaha], medyo nabawasan. Dati hanggang sa leeg, hanggang dibdib umaabot; ngayon e wala pa, kulang pa sa tuhod ang baha,” dagdag pa niya.

Giit ng Pangulo, epektibo raw ang kanilang dredging at ilang operasyon patungkol sa pagbabaha.

“So effective naman ang ating ginagawa ngunit alam naman nating kulang pa rin ‘yan. Marami pa tayong kailangang gawin dahil itong halimbawa sa dredging, ngayon lang tayo nag-de-dredge ulit na tinigil ng moratorium sa dredging for 12 years,” anang Pangulo.

Nagbahagi rin ng ilang pahayag si PBBM kaugnay sa spillways na aniya’y malaking bagay pagdating sa pagbahang nararanasan ng National Capital Region (NCR).

“Kailangan na talaga nating tapusin ‘yong spillway dito sa Las Piñas para may labasan ‘yong tubig,” ani PBBM.

Dagdag pa ng Pangulo, “Matagal nang natigil ‘yang planong ‘yan. That plan has been in the works for I don’t know, more than 10 years; pero for some, whatever reason, hindi natin nabuo at ngayon kailangan gagawin na natin.”

Matatandaang nalubog sa baha ang iba’t ibang bahagi ng bansa, partikular na ang Luzon, bunsod ng walang-tigil na ulang ibinuhos ng southwest monsoon o habagat.