Sa pagtalakay ng isyu ng confidential funds sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ang nakikipagtunggali sa private prosecutor at batikang abogadong si Atty. Lorna Kapunan ay si Atty. Kristine R. Ferrer, o mas kilala bilang “Tine”—isang CPA-lawyer na may malawak na karanasan sa taxation, corporate law at litigation.
Batay sa website ng Fortun, Narvasa & Salazar Law, may 15 taon na siyang karanasan sa legal practice at kasalukuyang partner ng nabanggit na law firm.
CPA bago naging abogado
Hindi lamang batas ang larangan ni Ferrer dahil isa rin siyang Certified Public Accountant (CPA).
Nagsimula ang kaniyang propesyon bilang tax lawyer sa Sycip Gorres Velayo & Co. (SGV), kung saan niya hinubog ang kaniyang kaalaman sa taxation at corporate law.
Kalaunan, nagpatuloy siya sa isang law firm kung saan lalo niyang pinalawak ang kaniyang expertise sa tax at corporate matters at naging Head of Tax.
Kabilang sa kaniyang pangunahing practice areas ang taxation, corporate at commercial law, mergers and acquisitions (M&A), litigation at dispute resolution.
₱25-B tax settlement
Isa sa mga kapansin-pansing kasong kaniyang pinangunahan ay ang ₱25-bilyong tax compromise settlement sa pagitan ng Mighty Corporation at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Itinuturing itong isa sa pinakamalaking tax compromise settlement sa bansa.
Naging bahagi rin ang kaniyang team ng proseso para makompleto ang BIR requirements kaugnay ng ₱45-bilyong acquisition ng assets ng Mighty Corporation ng JT International (Philippines), Inc.
Sa larangan naman ng tax litigation, nakamit ng kaniyang team ang ₱152.5-milyong refund para sa mga maling nakolektang buwis sa royalties sa isang kaso sa Court of Tax Appeals—isang pambihirang tagumpay sa larangan ng tax litigation.
Hindi lang tax lawyer
Bukod sa taxation at corporate law, may karanasan din si Ferrer sa civil, criminal, commercial at intra-corporate disputes, kabilang ang ilang high-profile cases.
Mayroon din siyang certification bilang negotiator matapos makompleto ang Negotiation Mastery ng Harvard Business School Online.
Naging lecturer din siya sa Taxation Law at Special Proceedings sa Ateneo de Davao University College of Law, na siya ring kaniyang alma mater.
Debater at working student sa law school
Bago pa man siya magkaroon ng malawak na karanasan bilang abogado, kapansin-pansin na ang kaniyang kasanayan sa pangangatwiran at public speaking.
Noong 2009, naging champion ang kaniyang team sa First National Debate on International Humanitarian Law, kung saan siya rin ang tinanghal na Best Debater of the Tournament.
Noong 2008 naman, naging finalist siya sa unang season ng ANC CVC Law Debates.
Sa parehong taon, naging presidente siya ng kaniyang debate varsity team na Ateneo Law Forensic Association, gayundin ng student organization na Lakas Atenista.
Isa rin siyang Dean's Lister at working student noong nasa law school. Habang nag-aaral, nagturo rin siya ng accounting sa School of Business and Governance ng Ateneo de Davao University.
Ilang pagkilala
Dahil sa kaniyang professional background, nakatanggap din si Ferrer ng ilang pagkilala.
Kabilang dito ang pagkakabilang sa “10 Most Successful Leaders to Follow in Asia” ng Tycoon Success Magazine noong 2023 at sa “Top 10 Consulting Company Leaders from the Philippines” ng CEO Insights Asia noong 2023.
Para sa 2026, kinilala rin siya bilang Exclusive Member for Corporate Law in the Philippines ng Global Law Experts.
Nabanggit din ang kaniyang pagkilala ng The Legal 500 Asia Pacific bilang Recommended Lawyer para sa Projects and Energy at Corporate and M&A.