August 12, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Mag-ama, nagkita sa isang bus after 20 years!

#BalitaExclusives: Mag-ama, nagkita sa isang bus after 20 years!
Photo courtesy: Jinky Partolan/FB


Sadyang mapagbiro ang tadhana dahil kadalasan, nagaganap ang ilang mga bagay sa buhay kahit hindi ito planuhin o asahan.

Tila ito ang nangyari sa mag-amang hindi nagkita sa loob ng dalawang dekada.

Paano ba naman kasi, sa dinami-rami ng lugar sa mundo, sa isang pampasaherong bus sila magkikita!

Sa viral video na ini-upload ng netizen na si Jinky Partolan sa kaniyang Facebook account, makikitang maluha-luha niyang kinakausap ang kaniyang amang sa wakas ay nakita niya matapos ang 20 taon, habang lulan silang dalawa ng isang pampasaherong bus.

Aniya, anim na buwan lamang siya noong huli siyang mahagkan ng ama, sapagkat naghiwalay daw ito at ang kaniyang ina.

“6 months old pa lang ako nang huli akong mahawakan ni Papa. Naghiwalay sila ni Mama kaya lumaki akong walang nakasamang ama at broken family. Last year, first contact namin ni Papa through messenger chat and video call. Umiiyak pa ako noon kasi first time kong makausap si Papa, and nagpaplano pa siyang pumunta sa bahay BUT hindi talaga sumasang-ayon ang panahon,” kuwento ni Partolan sa kaniyang viral Facebook post.

Gayunpaman, sa eksklusibong panayam ng Balita kay Partolan, tumanggi siyang ilahad kung ano nga ba ang ugat sa paghihiwalay ng dalawa, na naging dahilan upang hindi sila ng ama sa loob ng dalawang dekada.

MAKI-BALITA: Mag-amang nagkalayo sa loob ng 20 taon, ‘di inaasahang magkikita sa iisang bus!-Balita

Kuwento ng 20-anyos mula sa Taguig City, masaya ang kaniyang ina na sa wakas ay nakita niya na ang kaniyang Papa.

“Opo, masaya po si mama na malaman niyang nagkita na kami ni Papa,” saad ni Partolan.

Hiling pa niya na sana raw ay muli silang magkita ng ama, at magkaroon ng panahon upang mas makilala nila ang isa’t isa.

“Ang hiling ko po para sa aming dalawa ni Papa is ang magkita pa po kami ulit, magkaroon ng bonding po, magkaroon ng maraming oras para mas makilala pa po namin ang bawat isa,” aniya.

Ibinahagi rin ni Partolan ang kaniyang mensahe para sa kaniyang ama.

“Papa, mahal na mahal po kita, mag-iingat ka palagi kung saan ka man pupunta, alagaan mo po ang sarili mo. Nawa’y magkita na po tayong muli, love you po!!” pagtatapos ni Partolan.

Pagbabahagi pa niya, nakuha niya ang contact details ng ama at inaasahang muli niya itong makakadaupang-palad.