August 11, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Mag-amang nagkalayo sa loob ng 20 taon, ‘di inaasahang magkikita sa iisang bus!

Mag-amang nagkalayo sa loob ng 20 taon, ‘di inaasahang magkikita sa iisang bus!
Photo courtesy: Jinky Partolan/FB


Sabi sa isang kataga, “Sometimes you just meet the most unexpected things at the most unexpected times.”

Marahil buhay na testamento ng kasabihang iyan ang tampok sa kuwentong ibinahagi ng netizen na si Jinky Partolan.

Sa isang viral video na shinare ni Partolan sa kaniyang Facebook account kamakailan, mapapanood na luha-luha niyang kinakausap ang isang lalaki, habang sila ay lulan ng isang pampasaherong bus.

Itinatapat pa niya sa lalaki ang camera, sabay sabing ipakikita niya raw ito sa kaniyang Mama.

Ang katotohanan pala, ang lalaking kausap niya, ay ang kaniyang ama na hindi man lang niya nakita sa loob ng dalawang dekada!

Human-Interest

Nakakatamad! Mga litanya ng ‘tamad’ na tao



Batay sa paglalahad ni Partolan, hindi niya inaasahan ang pagkikita nila ng kaniyang ama.

“Kasama ko ang boyfriend ko niyan at galing kami sa Patungan Beach Resort sa Cavite. Sumakay kami ng bus papuntang PITX niyan at hindi ko inaasahan na mangyayari ‘tong magandang pangyayari sa buhay ko,” saad ni Partolan sa caption ng kaniyang Facebook post.

Aniya, “6 months old pa lang ako nang huli akong mahawakan ni Papa. Naghiwalay sila ni Mama kaya lumaki akong walang nakasamang ama at broken family. Last year, first contact namin ni Papa through messenger chat and video call. Umiiyak pa ako noon kasi first time kong makausap si Papa, and nagpaplano pa siyang pumunta sa bahay BUT hindi talaga sumasang-ayon ang panahon. Nagkaroon ng problem na nag-lead sa amin para hindi na ulit magkaroon ng contact (very personal reason).”

“Last contact namin, December 2025 pa at hindi na ‘yon nasundan. ‘Yong planong pagkikita namin is hindi na natuloy at sobra akong nasaktan doon…BUT! May maganda palang mangyayari, may ibang way pala para magkita kaming dalawa na wala sa plano, at coincidence lang lahat, na para bang nakatadhana talaga na magkita kaming dalawa sa araw na ‘yan,” dagdag pa niya.

Ikinuwento pa ni Partolan sa kaniyang caption ang mga detalye kung paano naganap ang lahat. Aniya, halo-halong emosyon ang kaniyang naramdaman dito.

“Nasa bus kami ng bf ko, ako tulog at nakasandal sa balikat niya. Randomly, bigla na lang ako umalis sa pwesto para kunin ‘yong headset para magpatugtog. Nasa kalagitnaan na kami ng biyahe noong naisip ko ‘yan. Imbis na headset ang hahanapin at kukunin ko, hindi ko inaasahan na makikita ko ang papa ko sa bus,” kuwento ni Partolan.

Pagpapatuloy niya, “Paano? Sa kabilang side ng upuan namin at ‘yong nasa harapan noon is nandoon pala si Papa nakaupo, nakita ko siya paalis na siya sa kinauupuan niya at nakaharap banda sa amin. May kinakausap siyang babae dahil papaupuin niya ‘to don sa pwesto niya. Bumulong ako agad sa bf ko at sinabi kong, ‘Papa ko ‘yon ha?’ Hindi pa ako nakontento at napatingin ulit sa kung saan nakatayo si Papa. Naghahalong kaba, tuwa, at pagkasabik ang nararamdaman ko nung nasigurado kong hindi ako namamalikmata.”

“Tinawag ko siya, sabi ko, ‘Papa,’ hindi siya tumingin agad sa akin, kaya para mapukaw ko ang atensyon niya, inangat ko ‘yong braso ko at tinapat sa kaniya sabay hawi at bigkas ng ‘Papaaaa.’ Napatingin siya sa akin, nagkatitigan kami ng mga 5 seconds, habang nakatitig ako sa kaniya hindi ko na namalayan na namumuo na ‘yong mga luha ko at unting-unti siyang pumapatak, bago ko sabihin ang salitang ‘Ako ‘to, si Jinky’ sabay turo ng kamay ko sa sarili ko. Alam ninyo ‘yong feeling na tumigil mundo ko? Nawalan ka ng pakialam sa paligid at naka-focus ka lang sa taong gustong gusto mong mayakap at makausap. Ganon ‘yong naramdaman ko. Napatanong na lang siya sakin ng, ‘Ikaw ‘yan? Anak? Ikaw ba talaga ‘yan?’ Noong narinig ko ‘yan para akong naging bata, sabi ko pa, ‘Papaaaaa ako ‘tooo, ako ‘tooo’ habang umiiyak,” dagdag pa niya.

Aniya pa, lahat daw ng kasama nila sa bus ay nagtaka. Nang nalaman ng mga ito na iyon ang kanilang unang pagkikita, nag-adjust daw ang mga ito upang sila ay magkalapit ng kaniyang ama.

“Lahat ng nasa bus nagtataka, nagtatanong sa amin, sinabi ni Papa sa mga tao na first time lang namin magkita sa personal. ‘Yong mga tao na nasa bandang gilid namin ng bf ko na nakatayo is nag-adjust at nagpunta sa harapan para si Papa is makalapit sakin. Pagkalapit na pagkalapit niya is agad niya akong niyakap, ganoon din ang ginawa ko. Saglit man kami nagkita at nagkausap ni Papa dahil kailangan na niyang makababa sa bus is sobrang saya ko pa rin dahil nakasama ko siya kahit sa kaunting oras lang. Thank you, Lord dahil tinupad mo ang isa sa wish ko simula bata pa lang ako na magkita kami ni Papa, pinagtagpo mo kaming dalawa sa hindi inaasahan. ILOVEYOUPAPA! Nawa’y magkita na tayo ulit at makapagbonding na, ingat ka palagi! Mahal na mahal kitaaaaaa!” pagtatapos ni Partolan.

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, nakalikom na ang nasabing video ng 9.3 million views, 157k reactions, 1.8k comments, at 3.2k shares.

Inirerekomendang balita