July 21, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

#BALITAnaw: Bakit nanalo ang Pilipinas sa 2016 Arbitral Ruling sa WPS kontra China?

#BALITAnaw: Bakit nanalo ang Pilipinas sa 2016 Arbitral Ruling sa WPS kontra China?
Photo courtesy: MB File Photo

Sampung taon na ang nakalipas mula nang makamit ng Pilipinas ang isa sa pinakamahalagang tagumpay nito sa international law—ang makasaysayang arbitral ruling noong Hulyo 12, 2016 na nagpawalang-bisa sa kontrobersyal na "nine-dash line" claim ng China sa South China Sea at nagkumpirma sa mga karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ngunit matapos ang isang dekada, nananatiling tanong ng marami: Ano nga ba ang kahulugan ng panalong ito para sa ordinaryong Pilipino, lalo't kamakailan lamang, muli na namang naging kontrobersiyal ang naging pahayag ng ilang Chinese scholars, na ang lalawigan ng Batanes daw ay bahagi ng "natural extension" ng Taiwan?

Nanindigan naman ang mga opisyal ng pamahalaan, lalo na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., na walang sapat na batayan ang nabanggit na pahayag ng ilang Chinese scholars patungkol sa nabanggit na lalawigan ng Pilipinas.

Higit pa sa legal na tagumpay

Para sa ilan, tila usapin lamang ito ng diplomasya, batas, at politika. Ngunit ayon kay Solicitor General Darlene Marie Berberabe, sa ulat ng Philippine News Agency (PNA), ang arbitral award ay may direktang epekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.

BALITAnaw

#BALITAnaw: Ang unang pagtapak ng tao sa buwan, ‘One giant leap for mankind’

Sa pinakasimpleng paliwanag, ang mga isdang nahuhuli sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa ay legal na para sa mga Pilipino. Ang mga likas na yaman, kabilang ang langis at natural gas sa Recto Bank, ay para rin sa sambayanang Pilipino.

Ibig sabihin, hindi lamang ito usapin ng mapa o hangganan. Usapin ito ng pagkain sa hapag-kainan, kabuhayan ng mga mangingisda, at enerhiyang kakailanganin ng mga susunod na henerasyon.

Mula sa dagat hanggang sa hapag-kainan

Ayon naman daw kay University of the Philippines (UP) Marine Science Institute Director Michael Atrigenio, kahit ang mga Pilipinong malayo sa baybayin ng West Philippine Sea ay naaapektuhan ng mga nangyayari rito.

Kapag bumaba ang produksyon ng isda dahil sa limitadong access ng mga mangingisda o pagkasira ng yamang-dagat, posibleng tumaas ang presyo ng isda sa buong bansa.

Sa madaling salita, ang nangyayari sa West Philippine Sea ay hindi lamang problema ng mga mangingisda sa Zambales, Palawan, o Pangasinan. Problema ito ng bawat pamilyang Pilipinong bumibili ng pagkain araw-araw.

Ang pinag-ugatan ng laban

Nagsimula ang usapin nang ihain ng China sa United Nations noong 2009 ang kanilang "nine-dash line" claim na sumasaklaw sa halos buong South China Sea, kabilang ang malaking bahagi ng EEZ ng Pilipinas.

Lalong tumindi ang tensyon matapos ang standoff sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal noong 2012, kung saan nahadlangan ang mga Pilipinong mangingisda sa lugar na matagal na nilang pinangingisdaan.

Bukod sa tensyon sa dagat, nakaranas din noon ang Pilipinas ng mga hadlang sa kalakalan, kabilang ang pagbagal ng pagpasok ng mga produktong saging sa merkado ng China at pagkansela ng ilang biyahe ng mga turista.

Sa kabila nito, pinili ng Pilipinas na dalhin ang usapin sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands.

Naganap ito sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino, noong 2013, matapos niyang dumulog sa Arbitral Tribunal. 

Sa panahon din niya unang tinawag na "West Philippine Sea" ang mga dagat mula sa Luzon Sea, Bajo De Masinloc, hanggang sa Kalayaan Group of Islands. 

Ang desisyong nagbigay-linaw

Noong Hulyo 12, 2016, naglabas ang Arbitral Tribunal ng 501-pahinang desisyon na pabor sa Pilipinas.

Idineklara ng tribunal na walang legal na batayan ang nine-dash line ng China. Nilinaw rin nito na walang karapatan ang China na mag-angkin ng malawak na bahagi ng dagat batay sa naturang claim.

Dahil dito, kinilala ang eksklusibong karapatan ng Pilipinas na tuklasin, gamitin, pangalagaan, at pamahalaan ang mga likas na yaman sa loob ng sarili nitong EEZ at continental shelf.

Batay pa sa ulat ng PNA, ayon kay Department of Justice (DOJ) Senior State Counsel Fretti Ganchoon, inalis ng desisyon ang matagal nang kalituhan tungkol sa kung sino ang may karapatan sa yamang-dagat at yamang-mineral sa naturang bahagi ng karagatan.

Hindi lamang para sa kasalukuyan

Para sa mga eksperto, ang tunay na halaga ng arbitral ruling ay hindi lamang para sa kasalukuyang henerasyon.

Ang mga yamang-dagat, langis, at natural gas sa West Philippine Sea ay mahalagang sangkap ng pangmatagalang food security at energy security ng bansa.

Kung mapapangalagaan ang mga ito, makikinabang hindi lamang ang mga Pilipino ngayon kundi maging ang mga susunod pang salinlahi.

Bukod sa kabuhayan at pagkain, may isa pang mahalagang ambag ang arbitral award: ang pagpapatibay ng prinsipyo na ang mga karagatan ay dapat pinamamahalaan ng batas at hindi ng lakas.

Ayon kay Berberabe, mahalaga ang legal na katiyakang ito sa kalakalan at seguridad ng buong rehiyon.

Kapag may kaguluhan sa mga pangunahing rutang pandagat, tumataas ang gastos sa pagpapadala ng mga produkto, naaantala ang kalakalan, at naaapektuhan ang ekonomiya ng maraming bansa.

Makalipas ang isang dekada, patuloy na ginagamit ng Pilipinas ang arbitral ruling bilang pundasyon ng mga hakbang nito sa West Philippine Sea.

Patuloy ang paghahain ng diplomatic protests ng Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa mga insidente sa karagatan. Nananatili rin ang presensya ng Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at iba pang ahensya upang protektahan ang karapatan ng bansa.

Mula sa pagmamapa ng mga teritoryo hanggang sa pagtulong sa mga mangingisda, unti-unting naisama ang diwa ng arbitral award sa mga batas, polisiya, at institusyon ng pamahalaan.

Bagama't patuloy na tinututulan ng China ang arbitral ruling at naninindigang wala itong bisa, nananatiling mahalagang sandigan ng Pilipinas ang desisyon ng tribunal sa ilalim ng international law.