Pinangunahan ni Vice President Sara Duterte ang isang tree-planting activity sa Bigaan National High School sa Barangay Bigaan, Hinatuan, Surigao del Sur, bilang bahagi ng kaniyang kampanya para sa pangangalaga ng kalikasan.
Sa Facebook post noong Linggo, Agosto 30, ibinahagi ni VP Sara na isinagawa ang pagtatanim ng mga puno noong Hulyo kasama ang mga kawani ng Office of the Vice President (OVP)–Caraga Satellite Office at mga guro ng naturang paaralan.
Ayon sa Bise Presidente, bahagi ang aktibidad ng kaniyang programang “PagbaBAGo: A Million Trees Campaign,” na naglalayong isulong ang kahalagahan ng pagtatanim at pangangalaga sa mga puno at kalikasan.
“Ang pagtatanim ng mga puno ay bahagi ng ating programang PagbaBAGo: A Million Trees Campaign, isang programang nagsusulong ng kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan alang-alang na rin sa mga susunod pang henerasyon,” aniya.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan upang mapangalagaan ang kapaligiran at matiyak ang mas maayos na kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon.
“Padayon kita nga magtinabangay alang sa kinaiyahan, alang sa atong kaugmaon, ug sa mga musunod pa nga mga henerasyon,” saad niya.
Sa kaniyang mensahe, hinikayat din ni Duterte ang patuloy na pagmamahal sa bansa at pagbibigay-halaga sa kapakanan ng bawat pamilyang Pilipino.
“Mahalin natin ang Pilipinas—para sa Diyos, sa Bayan, at sa bawat Pamilyang Pilipino,” aniya.