August 31, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

#BALITAnaw: Buhay na may saysay ni ex-Pres. Ramon Magsaysay, Sr.

#BALITAnaw: Buhay na may saysay ni ex-Pres. Ramon Magsaysay, Sr.
Photo courtesy: Wikimedia Commons


Natatandaan mo pa ba kung sino nga ba ang nanilbihan bilang ikapitong Pangulo ng Pilipinas? Ang taong tinaguriang Kampeon ng Masa? Ang nasa likod ng paglahok ng bansa sa Southeast Asia Treaty Organization, at ang pagtatag ng National Resettlement and Rehabilitation (NARRA)?

Sa mga usaping iyan, isa lang naman ang pinagtutungkulan niyan, wala nang iba kung hindi si dating Pangulong Ramon Magsaysay, Sr., na ginugunita ngayong Lunes, Agosto 31, 2026, ang kaniyang ika-119 taong kapanganakan.

PAUNANG IMPORMASYON

Si Ramon Magsaysay, Sr., na isinilang noong Agosto 31, 1907, ay nagmula at lumaki sa Iba, Zambales, na siyang pinalaki ng kaniyang mga magulang na sina Exequiel Magsaysay at si Perfecta del Fierra.

Nag-aral si Magsaysay, Sr. sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), kung saan kinuha niya ang Mechanical Engineering degree dahil sa kagustuhan niyang maging isang inhinyero.

BALITAnaw

#BALITAnaw: Ang Manila hostage crisis noong Agosto 23, 2010



Ayon sa mga tala, hindi ito natapos ni Magsaysay, Sr., at nagdesisyong lumipat sa Jose Rizal Colleges.

Kalaunan, natapos niya ang Commerce degree sa nasabing paaralan noong taong 1932.

Hindi man niya naisakatuparan ang kagustuhang maging inhinyero, nang makapagtapos si Magsaysay, Sr. ay nagtrabaho naman siya bilang mekaniko o tagakumpuni ng sasakyan—kung saan naging manager pa siya, batay sa historyador na si Xiao Chua.

POLITIKANG PINASOK NI MAGSAYSAY, SR.

Umalingawngaw ang pangalan ni Magsaysay, Sr. sa gitna ng pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig dahil sa pagiging lider niya ng kilusang gerilya.

Kalauna’y naging gobernador militar siya ng Zambales, at hinirang din ni dating Pangulong Elpidio Quirino bilang kalihim ng tanggulang bansa.

Umanib din si Magsaysay, Sr. sa Partido Nacionalista, at napiling kandidato sa pagkapresidente.

MAGSAYSAY, SR. BILANG IKAPITONG PANGULO NG PINAS

Sa ilalim ng pagkapresidente ni Magsaysay, Sr., naging maugong ang pangalan ng bansa pagdating sa paglahok sa iba’t ibang organisasyon, maging ang estado nito sa pagkakaroon ng malinis na pamahalaan.

Tinaguriang “Idolo ng Masa” at “Kampeon ng Masa” si Magsaysay, Sr. bunsod ng pagiging malapit niya sa mga karaniwang Pilipino.

Naging bahagi rin ng administrasyon niya ang paglahok ng bansa sa Southeast Asia Treaty Organization, pagkakatatag ng National Resettlement and Rehabilitation (NARRA), at ang pagkilala sa bansa bilang ikalawa sa Asya sa mga bansang may pinakamalinis na gobyerno.

Gayunpaman, naging mapait ang tadhana sapagkat nasawi si Magsaysay, Sr. noong 1957 dahil sa isang plane crash.

RAMON MAGSAYSAY AWARD

Dahil sa integridad at kahusayan ni Magsaysay, Sr. binuo ng trustees ng Rockfeller Brothers Fund (RBF) ang “Ramon Magsaysay Award Foundation” noong 1957 bilang pagkilala sa alaala at halimbawang ipinakita ng dating Pangulo sa pagsisilbi sa bayan.

Ito rin ang kinikilalang “Asia’s Premier Prize and Highest Honor,” at ang “Nobel Prize of Asia.”