Nagulantang ang publiko at mga indibidwal sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City noong Lunes, Hunyo 22, 2026, dahil sa pamamaril ng dalawang menor de edad na sina alyas “Rod” at “Nash.”
Dahil dito, tatlo ang naitalang mga mag-aaral ang nasawi sa naganap na school shooting incident habang kasalukuyan nang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Rod, 15, at Nash, 14.
KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!
Matapos ang naturang insidente ng pamamaril, hindi tuloy naiwasang magtalo ng publiko kaugnay sa kakaharapin ng dalawang suspek sa seryosong paglabag nila sa batas ng Pilipinas dahil sa kanilang murang mga edad.
Ang tanong: Posible nga bang hindi managot sa batas sina Rod, Nash, at iba pang kabataang gumawa ng karumal-dumal na krimen dahil sila ay menor de edad pa lang?
Dito papasok ang higit na pangangailangang maintindihan ang tinatawag na “Juvenile Justice and Welfare Act of 2006” o Republic Act No. 9344.
Ano nga ba ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006?
Ito ay isang batas nagbibigay ng komprehensibong sistema para sa paghawak ng mga menor de edad na nagkasala sa batas ng Pilipinas. Alinsunod sa Article 1, Section 1 ng naturang batas, dapat nitong gampanan ang iba’t ibang salik ng mga kasong kinasasangkutan ng mga batang nagkasala sa batas mula sa rehabilitasyon at integrasyon.
“It shall cover the different stages involving children at risk and children in conflict with the law from prevention to rehabilitation and reintegration,” batay sa RA 9344.
Ano minimum na edad ng isang batang maaaring masangkot sa criminal responsibility?
Batay sa Juvenile Justice and Welfare Act, dapat na hindi makasali sa pagkakaroon ng criminal liability ang isang batang may edad 15 pababa, ngunit kinakailangan pa rin nilang sumailalim sa INTERVENTION PROGRAM alinsunod paghihiwalay ng mga awtoridad sa kustodiya ng kaniyang mga magulang o kapamilya.
Kasunod nito, magbibigay ng abiso ang mga awtoridad sa lokal kawani ng social welfare and development upang magsagawa sila ng wastong hakbang sa pagkonsulta sa mga may kustodiya sa isang bata.
Samantala, ang mga batang may edad 15 pataas at 18 pababa ay dapat ding hindi mapatawan ng criminal liability at isailalim sa intervention program ng gobyerno.
Ngunit mag-iiba lang ito kapag mapapatunayang ginawa nila ang isang krimen o lumabag sila sa batas nang may “discernment” o kanilang nalalaman ang tama o mali.
Sa ganitong kaso, kinakailangang maharap sa mga wastong pagdinig ang isang batang nagkasala sa batas.
Hindi naman nagkakaroon ng exemption ang isang menor edad sa civil liability.
Ano-ano ang mga karapatan ng isang batang nagkasala sa batas?
Idinidiin sa Juvenile Justice and Welfare Act na may karapatan pa rin ang isang batang nagkasala sa batas ngunit meron din iyong limitasyon.
Narito ang mga karapatan ng child in conflict with the law batay sa RA 9344:
* Ang karapatang hindi sumailalim sa tortyur o iba pang malupit, hindi makatao o nakapandidiring pagtrato o parusa.
* Ang karapatang hindi mapatawan ng hatol na parusang kamatayan o habambuhay na pagkabilanggo, nang walang posibilidad na mapalaya.
* Ang karapatang hindi matanggalan ng kalayaan sa hindi makatarungang pamamaraan.
* Ang karapatang matrato sa makataong pamamaraan at may pagrespeto at mabigyan ng kaniyang mga pangangailangan na akma sa kaniyang edad.
“In particular, a child deprived of liberty shall be separated from adult offenders at all times. No child shall be detained together with adult offenders. He/She shall be conveyed separately to or from court. He/She shall await hearing of his/her own case in a separate holding area. A child in conflict with the law shall have the right to maintain contact with his/her family through correspondence and visits, save in exceptional circumstances,” paglilinaw ng batas.
* Ang karapatang agarang makakuha ng legal at iba pang naaangkop na tulong, pati na rin ang karapatang hamunin ang legalidad ng pag-agaw ng kanyang kalayaan sa harap ng isang korte o iba pang may kakayahan, malaya at walang kinikilingang awtoridad, at sa isang agarang desisyon sa naturang aksyon.
* Ang karapatang magpiyansa at magbigay ng pagkilala, sa mga naaangkop na kaso.
* Ang karapatang tumestigo para sa kaniyang sariling kapakanan sa ilalim ng tuntunin sa pagsisiyasat ng isang bata.
* Ang karapatang lubos na igalang ang kanyang privacy sa lahat ng yugto ng mga paglilitis.
* Ang karapatan sa awtomatikong suspensyon ng sentensya
* Ang karapatan para lumaya sa liability for perjury, concealment o misrepresentation
At iba pa.
Paano nadedetermina ang edad ng isang batang nagkasala sa batas?
Batay sa Juvenile Justice and Welfare Act, nararapat umanong masulit ng isang bata ang kanilang kabataan at karapatan hanggang sa mapatunayang tumuntong na sila sa edad na 18-anyos pataas.
Malalaman ito sa pamamagitan ng birth certificate, baptismal certificate o iba pang pertinent na mga dokumento. Kung hindi makikita ang mga nabanggit na dokumento, maaaring kumpirmahin ang edad ng isang bata sa kaniya mismo, o sa pamamagitan ng testimonya ng ibang indibidwal, at iba pang mga ebidensya.
Ano nga ba ang batayan kung ang isang 15-anyos ay maaaring mapanagot sa batas?
Bagama't nakalagay sa batas na maaaring intervention program lamang ang ipataw sa isang 15-anyos na lumabag sa batas, may malaking exemption na nililinaw ang batas upang mahatulan ang menor de edad na nasa ganitong gulang.
Ayon sa batas, maaaring maharap sa kaso ang isang 15-anyos kung siya ay mapatunayang may, "Discernment."
Ano ang discernment?
Ang discernment ay tumutukoy sa kapasidad ng pag-iisip ng isang menor de edad na tukuyin kung tama o mali ang ginagawa niya habang isinasagawa ang krimen. Sa madaling salita, kung ang isang 15-anyos ay alam ang ginagawa niya, alam na mali ang ginagawa niyang krimen ngunit isinakatuparan pa rin niya ito—ito ay sapat na batayan upang kasuhan siya at iharap sa korte.
Kung hindi pahihimasin ng rehas ang kabataang lalabag sa batas, saan nga ba sila dadamputin?
TALIWAS sa mga nagkalat na maling impormasyon sa social media, hindi maaaring makalaya ang menor de edad na lumabag sa batas. Hindi man sila direktang ilalagay sa selda, nakaabang ang Bahay Pag-asa at youth care facility kung saan sila mananatili ayon sa batas.
Ang Bahay Pag-asa ay isang institusyong pinopondohan ng local government units (LGU) at ilang mga lisensyadong non-government organizations (NGOs). Ayon sa batas, dito mananatili ang mga children in conflict with the law (CICL) na pawang mga nasa edad 15 hanggang 17 taong gulang, habang hinihintay ang desisyon ng korte sa kasong kinahaharap nila.
Paano nga ba ang sistema para sa mga menor edad na lumalabag sa batas?
Sa ilalim ng batas, kung ang isang menor de edad ay 15-anyos pababa, minamandato nitong pakawalan ang bata at muling ibalik sa kaniyang mga magulang o kaanak na maaaring kumalinga sa kaniya, habang nasa ilalim sa mga intervention programs.
Lusot na nga ba sila sa pananagutan?
May exemption ang mga batang maaari lamang ibalik sa pangangalaga ng kanilang mga magulang o guardian.
Ayon sa batas, kung ang batang nasa edad 15-anyos pababa at gumawa ng mga mabibigat na krimen katulad ng murder, homicide, parricide, rape at major drug offenses, siya ay kikilalanin na ng batas bilang isang "neglected child."
Bunsod nito, ang sinomang menor de edad na gumawa ng mga mabibigat at seryosong krimen ay kinakailangan nang manatili sa loob ng Bahay Pag-asa kung saan nakamandato siyang isailalim sa Intensive Juvenile Intervention and Support Center (IJISC). Habang tutukuyin naman ng korte ang magiging hatol sa kaniya nang hindi aabot ng isang taon.
Sa usapin ng pananagutan, kung ang sariling mga bata at menor de edad na ang nakasangkalan, sino nga ba ang tunay na dapat singilin? Sino ang dapat habulin?
-Kate Garcia/Mc Vincent Mirabuna