Sa gitna ng matatayog na gusali, malalaking supermarket at patuloy na paglago ng online shopping, may isang tanawing tila bumabalik sa nakaraan—isang puting bakang marahang humihila sa kariton na puno ng mga panindang walis, timba, basahan, doormat, bunot, malalaking salaming pambahay, at iba pang gamit sa bahay.
Ganito ang eksenang nakuhanan sa isang lansangan sa Quezon City nitong Huwebes, Hunyo 25 ng Manila Bulletin.
Tinatawag itong viajero o cattle caravan, isang uri ng “rolling store” na minsang naging karaniwang bahagi ng buhay ng mga Pilipino. Sa ibang mga lalawigan o lugar sa bansa, tinatawag naman itong "gypsy caravan" o kaya naman, mobile store.
Kung walang baka, maaari ding ipahila ito sa kalabaw o kabayo.
Bago pa man dumating ang mga convenience store sa bawat kanto at ang isang pindot sa cellphone ay sapat na upang makapagpa-deliver ng mga pangangailangan, ang viajero ang nagsisilbing tindahang lumalapit mismo sa mga mamimili.
Sinasabing nagsimulang makilala ang ganitong paraan ng pagtitinda noong dekada 1950. Sakay ng karitong hinihila ng baka, inililibot ng mga nagtitinda ang iba’t ibang pamayanan upang magbenta ng mga produktong yari sa kamay, mga walis, basket, kagamitan sa kusina at iba pang pangunahing pangangailangan sa tahanan.
Pero noon pa mang panahon ng pre-kolonyal hanggang sa pagsakop ng mga Espanyol sa bansa, karaniwan nang ginagamit ang mga hayop na baka, kalabaw, at kabayo bilang paraan ng transportasyon, at katuwang ng mga magsasaka sa pagsasaka.
Sa maraming pamilya noon, hindi na kailangang bumiyahe papunta sa palengke. Sapat nang hintayin ang pagdating ng cattle caravan sa kanilang barangay upang makabili ng de-kalidad ngunit abot-kayang paninda.
Lumipas man ang maraming dekada, nananatili pa rin ang ilang viajero na umiikot sa iba’t ibang pamayanan, kahit 2026 na. Sa kabila ng matinding kompetisyon mula sa malalaking pamilihan at online marketplaces, may mga mamimili pa ring mas pinipiling bumili sa mga naglalako dahil sa mas mababang presyo at personal na pakikitungo.
Para sa ilang mamimili, hindi lamang produkto ang kanilang binibili kundi isang bahagi ng kulturang Pilipino na unti-unti nang nawawala.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at gastusin sa araw-araw, nagsisilbi ring alternatibong kabuhayan ang viajero para sa mga maliliit na negosyante. Habang patuloy na umiikot ang kanilang kariton sa mga lansangan, umaasa silang may mga pamilyang patuloy na tatangkilik sa kanilang mga paninda.
Hindi pa lubusang ipinagbabawal sa batas ang paglalako ng cattle caravan, subalit hindi naman ito naiiwasang masita lalo na kung nakapagdudulot ng malubhang trapiko sa mga pangunahing lansangan. Madadalas na nasisita ng mga awtoridad ang mga tinderong nagpapaandar nito kapag nakaparada sa mga "national road" o pangunahing kalsada dahil nagiging sagabal ito sa daloy ng mga sasakyan at nagiging sanhi ng illegal parking.
Isa pa, pumapalag din ang mga grupong nagsusulong ng animal welfare at advocate na wakasan ang animal cruelty sa bansa.
Pero sa pagdaan ng panahon, nagbago man ang landscape sa pagbili ng mga produkto ngayon, mananatili ang viajero o caravan sa mga tatak ng pagka-Pilipino na naghahatid ng nostalgia.