Inaasahang tataas ang pamasahe sa eroplano para sa mga biyaherong magbu-book ng flights sa unang kalahati ng Setyembre 2026 matapos itaas ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang passenger fuel surcharge.
Sa isang advisory, inanunsyo ng CAB na itinakda sa Level 13 ang fuel surcharge para sa mga flight mula Setyembre 1 hanggang 15, 2026, mula sa Level 12 na ipinatupad noong Agosto 16 hanggang 31, 2026.
Pansamantalang ipinatutupad ng CAB ang mas maikling 15-araw na adjustment period, mula sa dating isang buwan, dahil sa mataas na volatility ng presyo ng fuel. Layunin nitong mas mabilis na makatugon sa mga pagbabago sa merkado, mabawasan ang epekto nito at mapamahalaan ang tumataas na gastos.
Sa ilalim ng Level 13, nasa ₱423 hanggang ₱1,237 ang passenger fuel surcharge para sa domestic flights, depende sa distansya ng biyahe.
Para naman sa international flights, nasa ₱1,396.71 hanggang ₱10,385.42 ang surcharge.
Mas mataas ito kumpara sa Level 12 kung saan nasa ₱389 hanggang ₱1,137 ang fuel surcharge para sa domestic flights, habang nasa ₱1,284.40 hanggang ₱9,550.13 naman para sa international flights na nagmumula sa Pilipinas.
Ang fuel surcharge ay hiwalay at optional na singil bukod sa base fare na maaaring ipasa ng mga airline sa mga pasahero upang mabawi ang dagdag na gastos dulot ng pagbabago-bago ng presyo ng jet fuel.
Ina-adjust ng CAB ang fuel surcharge batay sa galaw ng presyo ng jet fuel sa merkado. Hindi ito bahagi ng basic airfare at maaaring tumaas o bumaba depende sa kasalukuyang presyo ng jet fuel.
“Airlines wishing to impose or collect a fuel surcharge for the same period must file their application with this office on or before the effectivity period, with fuel surcharge rates not exceeding the above-stated level,” anang CAB sa kanilang pahayag.
Samantala, maaaring magpatuloy ang pagbabago sa fuel surcharge depende sa magiging galaw ng presyo ng jet fuel sa mga susunod na panahon.