Tinuligsa ng Akbayan Partylist si Sen. Robin Padilla dahil sa isinusulong nitong polisiya para ibaba ang edad ng criminal responsibility ng bata mula 15 patungong 10-anyos.
Ito ay matapos ang ginawang pamamaril ng dalawang menor de edad sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City noong Lunes ng umaga, Hunyo 22, na ikinasawi ng tatlong estudyante.
Sa latest Facebook post ng Akbayan nitong Miyerkules, Hunyo 24, sinabi nilang sinasamantala umano ni Sen. Robin ang naturang trahedya para itaguyod ang wala sa hulog nitong panukala.
“Gusto ni Robin ikulong ang mga 10-year-old, pero ang 64-year-old na si Bato dela Rosa na akusadong mass murderer ay pinatakas niya,” saad ni Akbayan Partylist President Rafaela David.
Dagdag pa niya, “Preso para sa mga bata, pero takas para kay Bato? Anong klaseng pag-iisip ‘yan.”
Binigyang-diin ni David na hindi umano maituturing na rehabilitasyon ang pagpapakulong umano sa mga batang hindi pa ganap na nauunawaan ang tama sa mali.
“Eh si Robin nga, nasa hustong gulang at pag-iisip noong nakulong, nagbago ba? Hindi ba’t nilabag na naman niya ang batas sa pagtulong kay Bato na tumakas? How much more children, whose minds are still developing?” dugtong pa ng Akbayan president.
Gayunman, nilinaw ni David na naninindigan sila para sa pamilya ng mga biktima ng insidente.
Ngunit nagpaalala sila kaugnay sa mga nananamantala ng trahedya para maisulong ang malulupit na polisiyang mas lilikha lang ng panganib sa mga paaralan at komunidad.
Maki-Balita: Matapos insidente ng barilan: Sen. Robin, tinalak special session para sa 'Juvenile Justice Act!'