Muling binuhay ni Sen. Robin Padilla ang pag-amyenda sa Juvenile Justice Act na naglalayong pabababain ang edad ng kabataang maaaring panagutin sa batas.
Sa pamamagitan ng Facebook post, ni-reshare ng senador ang larawan ng dalawang menor de edad na sangkot sa pamamamaril sa loob ng eskwelahan sa Tacloban City, Leyte nitong Lunes, Hunyo 17, 2026.
"May pag asa kaya na ma special session ang kalagayan ng aking panukala para amendahan ang juvenile justice act?" ani Padilla.
Saad pa niya, sunod-sunod na raw ang mga krimeng kinasasangkutan ng kabataan.
"Sunod sunod na po ito. May hold up, may rape. Ngayon pamamaril sa paaralan," giit ni Padilla.
Pahaging pa niya, "Ano po ba hinihintay ng mga kasama nating mga senador?"
Sa ilalim ng Juvenile Justice Act noong 2006, isinasaad nito na hindi maaaring makulong o mapanagot sa batas ang mga menor batang nasa edad 15-anyos pababa at bagkus ay maaari lamang silang sumailalim sa counseling, community service at rehab.
Habang noong 2013 nang aymendahan ito at ibinaba sa 12 taong gulang ang sinaklaw nito na nagbibigay proteksyon sa sinumang mga batang nakagawa ng krimen sa nasabing edad ay didiretso lamang sa isang youth care facility katulad ng Bahay Pag-asa.
Samantala, nitong Lunes nang bumulaga ang ang nangyaring pamamaril sa pampublikong eskwelahan sa Tacloban City.
Ayon sa mga ulat, bandang 9:00 ng umaga nang nakatanggap ng ulat ang Police Station 1 hinggil sa nagaganap umanong pamamaril sa naturang eskwelahan. Agad namang rumesponde ang mga awtoridad sa lugar upang magsagawa ng imbestigasyon at magbigay ng kaukulang aksyon.
Tatlong estudyante ang kumpirmadong nasawi habang limang katao pa ang napaulat na sugatan. Kasalukuyan nang nasa ospital ang mga biktima.
KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!
Habang isinusulat ang artikulong ito ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang dalawang suspek.