Kinuwestiyon ni Senator-Judge Risa Hontiveros ang testigong si Gina Acosta, dating Special Disbursing Officer (SDO) ng Office of the Vice President (OVP), kaugnay sa tila pambihira umanong detalye ng pagtanggap ng confidential funds ng recipient na si “Clarisse Hontiveros.”
Sa clarificatory question ni Sen. Risa kay Acosta sa ikinasang Senate impeachment trial nitong Lunes, Agosto 24, 2026, binalikan niya ang lumutang na pangalan ng recipients umano na si “Clarisse Hontiveros” dahil kapetsa raw ng pagtanggap nito ng confidential funds ang kaniyang kaarawan na Pebrero 24.
“Kaya ko rin po tinatanong itong mga ARs kasi noon, may flinash po noon na AR na may pangalang ‘Clarisse Hontiveros.’ Kaapelyido ko po. Ang nakakagulat po, Miss Gina, ‘yong petsa kung kailan daw binayaran ang Clarisse Hontiveros ay February 24, 2023. Petsa po ng birthday ko,” pagsisimula niya.
Ani Sen. Risa, tila raw napakalaking “coincidence” ang panahon ng pagtanggap ni “Clarisse Hontiveros” noong 2023.
Direktang humingi ng reaksyon ang senador kay Acosta kaugnay rito.
Paliwanag ni Acosta, may mga recipients daw na inusisa niya noon kay dating Vice Presidential Security and Protection Group (VPSG) head na si Col. Raymund Dante Lachica ngunit idiin daw ng huli na “sensitive information” at “confidential in nature” ang naturang mga impormasyon.
“‘Yong mga ganiyan na ARs, Ma’am, veneverify ko po kay Col. Lachica. Tapos ang sagot ni Col. Lachica, ‘Ma’am Gina, sensitive information po iyon at saka confidential in nature. Siya naman po, Ma’am, ang may alam. Siya din po ang nag-implement ng mga activities in relation sa confidential funds. Siya po ang itinalaga ni Vice President Sara Duterte na security officer,” anang testigo.
Iginiit din ni Acosta na hindi raw niya personal na nalalamang magkaparehas ang petsa ng pagtanggap ni “Clarisse Hontiveros” ng confidential funds noong 2023 sa petsa ng kaarawan ni Sen. Risa.
Samantala, inurirat naman ni Sen. Risa si Acosta kung pumapayag ba raw ito na siya lang daw ang mapanagot sa usapin ng alegasyon ng confidential funds ng OVP noon bilang SDO.
“Ang pinaka-importante kong pangutana sa inyo, Miss Gina, may nagsasabi na dahil kayo ang SDO, kayo ang payee ng cash advance, kayo lang dapat ang accountable sa confidential funds na ito. Tinatanggap n’yo po ba iyon?” aniya.
Tugon naman ni Acosta, “Yes po. Bilang SDO po, ako po ang accountable officer.”
Diin pa ni Sen. Risa, “Kung wala pong alam si Col. Lachica, kung walang alam si VP Sara sa paggamit nito, kung hindi ma-explain kung saan napunta ang pera, kayo lang ang mananagot? Tama po ba ‘yon?”
Pagtuturo ni Acosta, si Lachica umano ang itinalaga ni VP Sara noon upang mamahala sa pag-iimplementa ng confidential activities sa field ng kanilang tungkulin sa OVP.
“Meron naman pong itinalaga si VP Sara na si Col. Lachica na magiging security officer, na siya ang mag-i-implement. Wala po akong eksperto kung paano i-implement ang confidential activity on the ground,” aniya.
Pagpapatuloy ni Sen. Rsa, wala naman daw implementing officer sa Memo Circular, at sa iba pang mga dokumento at mahala raw na ginagampanan ni Acosta ang tungkulin ni bilang accountable officer sa usapin ng confidential funds.
Nanindigan naman si Acosta na siya raw ang maparusahan sakali mang may mapatunayan na ibang nagkasala sa usapin ng confidential funds.
“Alam ko po na alam ni Vice President Sara Duterte ang ginagawa niya,” sagot ni Acosta.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Raffy kay Gina Acosta: 'You are stupid in the name of blind loyalty!'
KAUGNAY NA BALITA: OVP, nakapag-tree planting nitong 2026 kahit walang confidential funds