Hindi lamang husay sa basketball ang iniwang marka ng pumanaw na promising basketball player ng Ateneo Blue Eagles na si Rene Clert “Bobet” Baterbonia sa puso ng maraming Filipino fans, kundi pati na rin ang mga kuwento at testimonya ng kaniyang walang kapantay na pagmamahal at sakripisyo para sa pamilya.
Naglitawan kasi sa social media ang iba't ibang mga patotoo kung gaano kabuti ang puso ng basketbolista pagdating sa kaniyang pamilya, lalo na sa lima pa niyang maliliit na kapatid: tatlong lalaki at dalawang babae.
Bago ang kaniyang biglaang pagpanaw sa edad na 19 matapos ang insidente ng pagkalunod sa Aurora dahil sa training,
kilala si Baterbonia bilang isa sa pinakamahuhusay na papausbong na atleta ng bansa pagdating sa basketball, matapos siyang hiranging "Most Valuable Player" o MVP ng 2025 Palarong Pambansa.
Ngunit sa likod ng kaniyang mga medalya, tropeo, at parangal, naroon ang isang anak na may iisang pangarap—ang maiangat ang buhay ng kaniyang pamilya mula sa kahirapan.
Tumatak nga ang ibinahagi ni Coach Jess Linus Evangelio tungkol sa sinabi sa kaniya ni Rene bago lumipad patungong Maynila.
“Coach, dili sa ko mubalik mga five years sa Davao kay gusto nako pag madato ko, ma-ahon nako akong pamilya sa kapobre," ani Rene, na kung isasalin sa wikang Filipino ay "Coach, hindi muna ako babalik ng Davao ng mga limang taon dahil gusto ko, kapag yumaman ako, maahon ko ang pamilya ko sa kahirapan."
Sa ulat ng isang pahayagan, ayon sa Department of Education (DepEd) Davao Region, regular na ibinabahagi ni Baterbonia ang malaking bahagi ng kaniyang mga allowance, insentibo, at iba pang kinikita mula sa basketball para makatulong sa kaniyang mga magulang at mga kapatid.
Sa isang pagkakataon nga raw, inihayag niyang umaabot sa 80% ng kaniyang kinikita ang ibinibigay niya sa kanilang pamilya, para makatulong sa maliliit pang kapatid.
Lumaki si Baterbonia sa Talacogon, Agusan del Sur sa isang pamilyang umaasa sa pagtitinda ng isda sa palengke. Ang kaniyang mga magulang na sina Rovelyn at Rene Baterbonia ay nagsumikap upang mapalaki at mapag-aral ang kanilang pitong anak. Dahil dito, naging inspirasyon kay Bobet ang kanilang kalagayan upang magsikap sa larangan ng sports.
Hindi rin lingid sa marami na bahagi ng kaniyang mga kinikita ang ginagamit niya upang makatulong sa pag-aaral at pang-araw-araw na pangangailangan ng kaniyang mga kapatid.
Para kay Baterbonia, bawat panalo, bawat allowance, at bawat oportunidad sa basketball ay hakbang patungo sa mas magandang kinabukasan ng kaniyang pamilya.
Isa sa mga pinakamalaking pangarap ng batang atleta ay ang makapag-ipon ng sapat na halaga upang makapagtayo ng negosyo para sa kaniyang mga magulang nang hindi na nila kailangang magbanat ng buto sa pagtitinda ng isda araw-araw.
Sa kabila ng kaniyang murang edad, marami ang nagsasabing naging huwaran si Baterbonia hindi lamang bilang atleta kundi bilang isang mapagmahal na anak at kapatid. Ang kaniyang kuwento ay patunay na may mga pangarap na higit pa sa personal na tagumpay—mga pangarap na nakalaan para sa mga mahal sa buhay.
Bagama’t hindi na niya natupad nang lubos ang pangakong iaahon sa hirap ang kaniyang pamilya, mananatiling buhay sa alaala ng marami ang alaala ng isang binatang ginamit ang kaniyang talento hindi para sa sarili lamang, kundi para sa kinabukasan ng mga taong pinakamahalaga sa kaniya.
Maki-Balita: Huling pangako ni Rene Baterbonia: 'Iaahon ko aking pamilya sa kahirapan!'