Nagbigay ng iba’t ibang reaksyon ang paglalagay ng tarpaulin sa kahabaan ng South Road Properties sa Cebu City na may habang tinatayang isang kilometro, bilang bahagi ng paghahanda para sa 48th ASEAN Summit.
Ayon sa mga ulat, tinakpan ng nasabing tarpaulin ang bahagi ng coastal area kung saan matatagpuan ang mga informal settlers.
Bunsod nito, may ilang sektor ang bumatikos sa hakbang, na anila’y tila pagtatago sa tunay na kalagayan ng kahirapan sa lugar sa halip na agarang tugunan ang problema.
Giit ng ilang kritiko, mas mainam umano kung bibigyan ng solusyon ang sitwasyon ng mga residente kaysa tabingan ito sa paningin ng mga dayuhang delegado na dadalo sa summit.
“Hindi solusyon ang pagtatakip, dapat ayusin ang problema.”
“Nakakahiya na tinatago pa ang realidad imbes na aksyunan.”
“Kung inayos na lang sana ang pabahay, mas maganda pa ang resulta.”
“Gets ko naman yung preparation, pero sana may long-term plan din.”
“Image lang ba ang mahalaga kaysa sa kapakanan ng mga tao?”
“Dapat tinulungan muna ang mga nakatira diyan bago tinakpan.”
“Practical move siguro pero hindi nito nasosolusyunan ang kahirapan.”Samantala, ipinaliwanag ng Department of Foreign Affairs na bahagi ito ng paghahanda upang maipakita ang kahandaan ng bansa sa pagho-host ng internasyonal na pagtitipon.
"The purpose of that is not only to be welcoming [but also] to show the world that we are ready, that we are committed, [and] that we are ready for business. Kumbaga, it also attracts investments," depensa ni Department of Foreign Affairs spokesperson for ASEAN Asec. Dominic Xavier Imperial.
Patuloy namang pinag-uusapan ng publiko ang naturang hakbang, lalo na sa usapin ng imahe ng bansa at kung paano tinutugunan ang mga isyung panlipunan sa gitna ng malalaking pandaigdigang kaganapan.