Kinumpirma ni Sen. Imee Marcos na halos isang taon na silang hindi nagkikita ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Sa panayam sa media, nilinaw naman ng senadora na mahal daw niya si PBBM bagama't hindi na sila nakakapagkita.
"Of course mahal ko siya, kapatid ko, pero I haven't seen him in a perhaps over a year now," anang senadora.
Inamin din ng senadora na hindi na rin daw siya dumadalo sa sa mga reunion ng kanilang pamilya, bagama't hinahayaan naman daw niyang pumunta ang kaniyang mga anak.
"I don't really go to the reunion, it's not comfortable. My kids go if they want to go," ani Sen. Imee.
Matatandaang naging maingay ang usap-usapang hidwaan sa pagitan nina PBBM at Sen. Imee matapos ang kapansin-pansing pakikipagmabutihan ng senadora sa paksyon ni Vice President Sara Duterte.
Kaugnay nito, ilang beses ding binanatan ng senadora sa media si PBBM at inihayag na gumagamit daw ang Pangulo ng ilegal na gamot.
Ayon sa naging talumpati ni Sen. Marcos sa malawakang protestang ikinasa noon ng Iglesia Ni Cristo (INC) noong Lunes, Nobyembre 17, 2025, tahasan niyang inilantad sa publiko ang diumano’y kontrobersyal na adiksyon ng Pangulo.
“Batid ko na nagda-drugs siya,” giit ng senadora.
Ani Sen. Marcos, may pagkakataon daw na sila pa ang naglilinis ng mga kalat nina PBBM matapos ang isinagawa nilang party.
“Malaman ko at nalaman ng pamilya, seryoso ito. Minsan, kami ng presidential guard… ang naglilinis tuwing nagpa-party po sila,” ayon sa nakatatandang kapatid ng Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee Marcos, nilantad sa INC rally na ‘gumagamit’ diumano ng droga si PBBM
Samantala, sinagot naman ito ni Palace Press Officer and Communications Undersecretary Claire Castro nito ring Lunes at sinabi niyang “desperadong galawan” naturang pagbubuking ni Sen. Marcos sa kapatid niyang Pangulo.
“Ano ang dahilan ng desperadong galawan ni Senator Imee Marcos laban sa sarili niyang kapatid at pati kay First Lady kundi makapanira lamang,” ani Castro.
MAKI-BALITA: Castro sa akusasyon ni Sen. Imee na 'drug addict' umano si PBBM: 'Desperadong galawan'