Nagbabala si United States (US) Vice President JD Vance sa bansang Iran sakali raw na tangkain nitong paglaruan sila sa kanilang pakikipagnegosasyon para tapusin ang giyera.
Ayon sa naging pahayag ni Vance bago ang kaniyang pagsakay palipad sa Pakistan mula Joint Base, Maryland noong Biyernes, (araw sa US), Abril 10, 2026, sinabi niyang handang magbukas ng palad at yakapin ng US ang kapayapaan kung makikipagnegosasyon daw ang Iran sa kanila.
Base raw ito sa direktiba ni US President Donald Trump sa mga delegado nilang makikiisa sa “Islamabad Talk” sa Pakistan na dadaluhan ng mga bansang Iran, US at iba pang mga kakampi nito.
“As the President of the United States said, if the Iranians are willing to negotiate in good faith, we’re certainly willing to extend the open hand,” pagsisimula niya.
Buwelta ni Vance, malalaman naman daw ng Iran na hindi madaling linlangin o paglaruan ang grupo ng mga delegado na ipapadala nila sa Islamabad Talk.
“If they’re gonna try to play us, then they’re going to find that the negotiating team is not that receptive,” saad niya.
Aniya pa, tila magiging positibo naman daw ang magiging negosasyon nila sa Iran.
“We’re looking forward to the negotiation. I think it’s going to be positive,” pagtatapos pa niya.
Kaugnay nito, matatandaang inanunsyo sa publiko ni Pakistan Prime Minister Shehbaz Sharif noong Abril 8, 2026, ang tigil-putukan ng mga bansang Iran, United States at iba pang mga kakampi nito.
Ani Sharif, nagpapasalamat umano siya sa mga pinuno ng mga nasabing bansa sa pagpayag sa naturang kasunduan at inimbitahan umano nila ang mga delegado ng mga ito sa gaganaping “Islamabad Talk” upang magkaroon pa sila ng mas maayos na negosasyon.
KAUGNAY NA BALITA: Pakistan PM, inanunsyo ceasefire ng Iran, US at iba pa!
Matapos ito ng naging babala ni US President Donald Trump sa Iran noong Abril 7, na maaaring “mamatay ang isang buong sibilisasyon ngayong gabi” kung hindi tutugon ang Iran sa itinakdang deadline para sa isang kasunduan, kabilang ang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, na pangunahing chokepoint sa kalakalan ng langis.
Ipinahiwatig din ni Trump na maaaring sirain ng US ang mga tulay at power plants sa Iran kung hindi agad maaayos ang sitwasyon.
KAUGNAY NA BALITA: Trump, nagbabala; 'A whole civilization will die tonight' kung walang kasunduan sa Iran
Matapos nito, muli namang nag-post si Trump sa kaniyang Truth Social account nitong Miyerkules, Abril 8, at sinabi niyang sumang-ayon siya sa hiling nina Sharif na huwag ituloy ang babala sa Iran.
Ani Trump, ititigil ng US ang pag-atake sa kalabang bansa na tatagal sa loob ng dalawang linggo.
KAUGNAY NA BALITA: Iran nagpasalamat sa Pakistan, bubuksan Strait of Hormuz ng 2 linggo!