May 22, 2026

Home BALITA

‘Ang healthcare ay hindi lang propesyon!’ 2 nurse, tinulungan manganak isang ginang sa kalsada

‘Ang healthcare ay hindi lang propesyon!’ 2 nurse, tinulungan manganak isang ginang sa kalsada
Photo courtesy: Michelle Adones (FB)

Tinulungan ng dalawang nurse na maisilang ng isang ginang ang kaniyang sanggol matapos itong maabutan ng panganganak sa kalsada kamakailan. 

Batay sa Facebook post ni Michelle Adones noong Lunes, Mayo 18, ang nasabing ginang ay may kasama pang menor de edad nang nakita nila itong nanganganak sa gilid ng kalsada. 

Sa kabila ng takot, pagod, at gulat, ibinahagi ni Michelle na nanaig pa rin daw ang malasakit at pagiging makatao sa kaniya. 

“May isang babae, kasama ang kanyang menor de edad na anak, na kasalukuyang nanganganak sa gilid ng kalsada. Sa gitna ng takot, pagod, at gulat, nanaig ang malasakit at pagiging tao,” ani Michelle. 

Kaya walang pag-aalinlangan, nakipagtulungan siya sa dalawa pang nurse mula sa Intensive Care Unit (ICU) at iba pang kasamahan mula sa iba’t ibang departamento ng ospital, upang matiyak na ligtas ang mag-ina hanggang sa maisakay ang mga ito sa ambulansya. 

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

“Walang pag-aalinlangan, nagtulungan kaming mailabas nang ligtas ang kanyang sanggol. Kasama ko ang dalawang nurses mula sa ICU at ilan pang kasamahan mula sa iba’t ibang departamento ng ospital. Hindi namin iniwan ang pasyente hangga’t hindi siya ligtas na naisasakay sa ambulansya,” saad ni Michelle. 

Sa pagkakataong iyon, doon daw mas lalong naunawaan ni Michelle na ang tunay na serbisyo sa healthcare ay hindi lamang nasusukat sa loob ng ospital, dahil minsan, ang tawag ng tungkulin ay dumarating sa hindi inaasahang lugar, ordinaryong araw, o kaya’y pagkakataong kinakailangan ng isang tao. 

“Doon ko mas lalong naunawaan na ang tunay na serbisyo sa healthcare ay hindi lang nasusukat sa loob ng hospital. Minsan, ang tawag ng tungkulin ay dumarating sa hindi inaasahang lugar, sa gilid ng kalsada, sa gitna ng ordinaryong araw, at sa pagkakataong kailangan ka ng kapwa mo tao,” pagtatanto ni Michelle. 

Aniya pa, ang healthcare ay hindi lang propesyon, bagkus, ito ay puso, sakripisyo, at serbisyong handang umalalay sa anumang pagkakataon. 

“Ang healthcare ay hindi lang propesyon. Ito ay puso, sakripisyo, at serbisyong handang umalalay saan man dalhin ng pagkakataon,” dagdag pa ni Michelle.