Sa nagpapatuloy na girian ng mga bansa sa Middle East, hindi na naiwasang ilabas ng ibang personalidad ang epektong kaliwa’t kanang pagtataas ng produktong petrolyo sa bansa.
Isa na rito ay ang Kapuso actress at “Unang Hirit” TV host na si Shaira Diaz, na napaaray ng pumalo sa halagang ₱7,463.29 ang kaniyang full tank na dati ay ₱3,700 hanggang ₱4,000 lamang.
Kaya aniya noong Marso, ramdam na ramdam niya ang oil price hike, dahil sa halagang ito, puwede na raw itong ipang-grocery.
"Anlala talaga. Pang grocery na to eh," ani Shaira.
MAKI-BALITA: Shaira Diaz nabulaga, ramdam na ramdam oil price hike: 'Anlala talaga, pang-grocery na to eh!'
Isa pa sa mga napareklamo na ay ang aktor at Tarlac provincial board member na si Arron Villaflor na, pumalo na sa higit ₱9,000 ang pagpapa-gas niya noong unang linggo naman ng Abril.
Kaya napatanong siya kung langis pa raw ba ang kinakarga sa sasakyan o ginto na.
"Langis pa ba ‘to o ginto na?"
MAKI-BALITA: Arron Villaflor, umaray na rin sa oil price hike: 'Langis pa ba ‘to o ginto na?'
Kaya naman ang pamahalaan, samu’t saring paraan na ang sinusubukin upang kahit papaano’y maibsan ang bigat na nararamdaman ng mga mamayan sa kasagsagan ng mga pagtataas na ito.
Una na rito ang pagpapahintulot sa pagpapatupad ng programang “Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) na layong tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng enerhiya at pagpapagaan ng epekto ng krisis sa mga sektor ng transportasyon, agrikultura, at iba pang kritikal na industriya.
MAKI-BALITA: Ano ang UPLIFT committee ng national energy emergency at sino-sino ang miyembro nito?
Sumunod ay ang pagtitiyak ng Department of Energy (DOE) ang pagpasok ng 165 milyong litro ng langis sa Pilipinas mula sa mga bansang Malaysia, Singapore, India, at Oman, na parte ng 318 milyong litro na target ng bansa, habang nagpapatuloy ang sigalot sa Middle East.
MAKI-BALITA: 165 milyong litro ng langis, inaasahang darating na sa bansa—DOE
Sa kasagsagan ng krisis na ito, marahil ay naitatanong na ng marami kung posible pa bang makapagtabi ng pera at makapag-ipon.
Dahil dito, narito ang ilang tips na maaaring makatulong upang makapagtabi pa rin ng pera sa kabila ng mga kabi-kabilang pagtataas:
Bawasan ang “unnecessary” expenses
Sa Fin-Ed Congress 2025 ibinahagi ng aktres,TV host, at entrepreneur na si Isabelle Daza, ibinahagi niyang nakatutulong sa pagtatabi ng pera ay ang pagbabawas ng unnecessary o hindi kinakailangang gastos tulad ng araw-araw na pag-order ng pagkain imbes na magbaon sa paaralan o opisina.
Pamumuhay nang naaayon sa kinikita at kakayahan
Isa pa ay ang paggastos ng tugma sa kinikitang pera upang maiwasan ang hindi kinakailangan paggastos sa mga bagay na nagbibigay ng pansamantalang kasiyahan lamang kaysa pangangailangan.
Maging intensyonal sa “lifestyle upgrades”
Ayon sa iba pang pag-aaral, mahalagang pag-isipan ang gagastusan ng pera bago ito bilhin, kung magagamit ba ito ng pangmatagalan o kaya’y makadaragdag sa halaga ng kalidad ng buhay.
Dahil sa pagiging intensyonal, matutulungan ang sarili na maging wais sa paglalabas ng pera nang hindi lubos na tinitipid o ginagasta ang perang pinaghirapan.
Magdagdag ng karagdagang pagkakakitaan
Sa iba pang pag-aaral, binabanggit na nakatutulong ang pagkakaroon ng “side hustles” bukod sa pangunahing trabaho upang pagkuhanan ng karagdagang kita at ipon.
Mapa-small business man ito o freelance na trabaho tulad ng online tutoring, content writing, graphic design, o virtual assistance, bukod sa karagdagang kita, nakatutulong din ito upang dagdagan ang skill set o kakayahan na kasalukuyan nang mayroon.
Maging realistic sa pagtatabi ng pera
Binabanggit din sa mga pag-aaral na ang pagkakaroon ng makatotohanang financial goals at disiplina upang abutin ito ay nakatutulong upang mapanindigan ito.
Nakatutulong dito ang paunti-unti pag-iipon kaysa bigla, kaya maaari itong simulan kahit sa ₱50 hanggang 100 kada araw hanggang lumaki na ang halaga nito sa mga susunod pang linggo o buwan, na maaari pang balikan sa pagtatapos ng taon.