May 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Ano ang UPLIFT committee ng national energy emergency at sino-sino ang miyembro nito?

Ano ang UPLIFT committee ng national energy emergency at sino-sino ang miyembro nito?
Photo courtesy: MB File Photo/Freepik

Nagdeklara si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ng "state of national energy emergency" sa bansa kasunod ng patuloy na tensyon sa Middle East na nakaapekto sa suplay ng enerhiya ng Pilipinas.

Batay sa inilabas na Executive Order No. 110 nitong Martes, Marso 24, binigyang-diin ni PBBM na ang umiigting na sigalot sa rehiyon ay nagdudulot ng panganib sa “availability and stability” o sapat at matatag na suplay ng enerhiya sa bansa.

Kabilang sa mga salik ang posibleng pagkaantala sa produksyon at transportasyon ng langis, gayundin ang pabagu-bagong presyo nito sa pandaigdigang merkado.

Ipinaliwanag sa kautusan na ang Pilipinas, bilang isang bansang umaasa sa inaangkat na produktong petrolyo, ay lubhang vulnerable sa anumang pagkagambala sa global oil supply chain.

Dahil dito, kinakailangang kumilos ang pamahalaan upang maiwasan ang kakulangan sa enerhiya na maaaring makaapekto sa ekonomiya at pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

Sa ilalim ng deklarasyon, pinahintulutan ang pagpapatupad ng programang "Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT)."

Layunin nitong tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng enerhiya at mapagaan ang epekto ng krisis sa mga sektor ng transportasyon, agrikultura, at iba pang kritikal na industriya.

Bubuo rin ng isang UPLIFT Committee na pamumunuan ng Pangulo bilang chairman, upang mangasiwa sa implementasyon ng mga hakbang. 

Narito naman ang magiging miyembro ng komite:

- Executive Secretary

- Kalihim ng Department of Energy (DE)

- Kalihim ng Department of Transportation (DOTr)

- Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)

- Kalihim ng Department of Agriculture (DA)

- Kalihim ng Department of Finance (DOF)

- Kalihim ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev)

- Kalihim ng Department of Budget and Management (DBM)

Isa sa mga tungkulin ng komite ay bantayan ang distribusyon at sapat na suplay ng fuel, pagkain, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan, habang pinatitibay ang koordinasyon ng pamahalaan sa harap ng posibleng krisis.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na detalye hinggil sa eksaktong epekto nito sa presyo ng langis at kuryente, ngunit inaasahan ang posibleng pagpapatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya at iba pang contingency measures sa mga susunod na araw.

Maki-Balita: PBBM, nagdeklara ng state of national energy emergency!

Maki-Balita: Hindi na everything is normal? Mga dapat malaman sa deklarasyong 'national energy emergency' ni PBBM