May 13, 2026

Home BALITA National

Usec. Castro sa 'good luck' ni VP Sara kay PBBM: 'An idle mind is the devil's playground'

Usec. Castro sa 'good luck' ni VP Sara kay PBBM: 'An idle mind is the devil's playground'
Photo courtesy: RTVM, MB

Sinagot ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang naging sagot ni Vice President Sara Duterte na “good luck” sa mga kumakalat na balita tungkol sa paglala umano ng kalusugan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Kaugnay ito ng naging kasagutan ni VP Sara nang tanungin siya ng mga media noong Huwebes, Abril 9, 2026, tungkol sa mga lumilitaw na balita tungkol sa Pangulo. 

Matipid na sagot ni VP Sara, “good luck.” 

KAUGNAY NA BALITA: 'Goodluck sa kaniya!' VP Sara, wapakels sa isyu ng kalusugan ni PBBM

Ayon naman sa isinagawang press briefing ni Castro nitong Biyernes, Abril 10, sinabi niyang isang iresponsable dahil walang basehan daw ang naging tanong ng media kay VP Sara. 

National

'Maghintay lang sila:' Sen. Bato, sumagot sa 5 senador na pinapasuko siya!

Dahilan daw ito upang makakuha rin ang publiko ng iresponsableng tugon mula sa bise presidente. 

“Isang sagot pero makikita n’yo sa body language kung ano ang ibig sabihin. Noong itinanong ito na masasabi nating isang iresponsableng tanong dahil walang pinanghuhugutan, walang batayan. Itinanong sa kaniya, anong masasabi patungkol sa diumanong lumalalang kalusugan ng Pangulo. Doon pa lang sa word na ‘lumalalang kalusugan,’ alam na nating walang basehan pero itinanong pa rin sa kaniya,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Kaya ang nakuha rin natin sa bise presidente ay isang iresponsableng sagot: ‘good luck.’ With a smile at lahat ng nasa paligid niya ay nagtatawanan.” 

Ani Castro, hindi raw gawain ng mga Pilipino na mangutya at pagtawanan ang isang indibidwal na mababalitaan nilang may sakit.

“Bilang isang Pilipino, hindi natin gawi ang mangutya, pagtawanan ang sinomang may sakit, lalong lalo na kung ito ay ginagawa lamang. Ginagawang sakit para masira ang Pangulo,” buwelta niya. 

Diin pa niya, tila raw nagiging palaruan o pinamamalagian ng demonyo ang nakatenggang pag-iisip. 

“Ang sabi nga nila, an idle mind is [the] devil's playground. Makikita natin, tumawa. Is that a last laugh mentality or mockery of misery?” anang undersecretary. 

Pagpapatuloy pa niya, dapat daw na mas bigyan ng atensyon at dasal ang isang taong napapabalitang may sakit sa halip na pagtawanan at maging sarkastiko sa kapuwa. 

“Hindi ba dapat ang isa tao, kapag may sakit, mas binibigyan natin ng atensyon at binibigyan natin ng dasal para mas maging maigi ang kalusugan,” saad niya. 

“Hindi mo tatawanan at parang ikaw pa ay sarcastic sa iyong mga kasagutan,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na bagong pahayag, reaksyon o direktang tugon si VP Sara kaugnay rito. 

MAKI-BALITA: De Lima bumwelta sa kampo ni VP Sara: 'Akala siguro nila 'yong SC ay 'Sara's Court''