May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

#BALITAnaw: Ang ika-140 anibersaryo ng kapanganakan ni Felix Manalo ng INC

#BALITAnaw: Ang ika-140 anibersaryo ng kapanganakan ni Felix Manalo ng INC
Photo courtesy: Iglesia Ni Cristo (website)

Kinikilala bilang “mensahero ng Panginoon,” si Felix Ysagun Manalo ang nag-atag ng denominasyong Iglesia Ni Cristo (INC) sa bansa noong Hulyo 27, 1914 sa Punta, Sta. Ana, Maynila. 

Bagama’t ipinanganak at nabaptismuhan sa Simbahang Katolika, nagsimula siyang magkaroon ng duda sa mga katuruan dito noong taong 1904, kung saan, naisuko na ng mga Espanyol ang Pilipinas sa kamay ng mga Amerikano.

Noong mga panahong ito, nagsisimula na ring magkaroon ng girian sa pagitan ng Katolisismo, na ipinakilala ng mga Espanyol, at Protestante, na dinala naman ng mga Amerikano. 

Dito rin ay naiulat na napagtanto ni Manalo na mayroong pagkakahawig ang direksyon ng kaniyang buhay sa mga nauna pang mensahero sa Bibliya tulad nina Moises at Apostol Pablo, kaya nagpalipat-lipat siya sa iba’t ibang relihiyon. 

Taong 1904 din, naitalang sumapi sa Methodist Episcopal Church si Manalo at kalauna’y naging ebanghelista pa matapos siyang dumalo sa mga klase sa Methodist Theological Seminary. 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Taong 1907, sumapi naman si Manalo sa Presbyterian Church, kung saan, siya ay naging pastor matapos pumasok sa Union Theological Seminary. 

Pagdating ng taong 1910, sumali naman sa isa pang misyon ng mga Kristiyano, na kalauna’y naging parte siya bilang ebanghelyo. 

Pinakasalan niya rin dito ang asawang si Tomasa Sereneo, mula sa Paco, Maynila, ngunit sa kasawiang palad, ay nasawi matapos niyang isilang ang kanilang anak na si Gerardo. 

Taong 1911, sumali naman sa denominasyong Seventh Day Adventists si Manalo, kung saan, siya ay naging pastor din. 

Dito ay ikinasal si Manalo sa kaniyang ikalawang asawa na si Honorata de Guzman mula sa Sta. Cruz, Maynila. 

Sa kabila ng pagiging aktibo ng mag-asawa sa mga gawain ng simbahan, naiulat na napagtanto ni Manalo na ang katuruan sa Sabbath ay hindi Biblikal, kung kaya’t umalis sila sa Adventist. 

Dala ng mga pagdududa sa mga relihiyon sa bansa, sinubukan ding makibagay ni Manalo sa mga ateo o atheists, upang obserbahan ang kanilang mga pag-iisip, na kalauna’y nakita niyang pawang mga kasinungalingan. 

Napagtanto rin dito ni Manalo na dahil sa mga maling interpretasyon ng Bibliya, nagbunga ito ng iba’t ibang katuruan at doktrina mula sa iba’t ibang relihiyon at kawalang paniniwala ng mga ateo. 

Sa malalim na pag-aaral sa mga katuruan mula sa Bibliya, naitalang nag-ugar ang mga ibinabahaging katuruan ni Manalo sa Santiago 4:17 na nagsasabing, “Kaya nga, ang sinumang nakakaalam sa paggawa ng mabuti at hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kaniya.”

Pagsisimula ng Iglesia Ni Cristo

Naitalang sa mga unang buwan ng 1914, masigasig na nagtungo si Manalo sa Punta, Sta. Ana, Maynila, na nagsimula sa apat hanggang limang tagapakinig. 

Ang mga numerong ito ay unti-unting nadagdagan, kaya ipinaubaya na ito ni Manalo sa pangangalaga ni Frederico Inocencio, na isa sa mga kaanib, at Atanacio Morte, na nanilbihan bilang diyakono. 

Noong taon ding ito, opisyal na naging rehistrado ang Iglesia Ni Cristo sa pamahalaan. 

Pebrero 1939, lumabas ang unang kopya ng Pasugo, na isang magasin na Tagalog na layong ipalaganap ang mga doktrina ng Iglesia. 

Bagama’t pansamantalang huminto ang publikasyon nito sa kasagsagan ng ikalawang digmaang pandaigdig sa Pilipinas, nagbalik ito noong taong Enero 1951. 

Sa mga sumunod pang mga taon, nagpatuloy ang libo-libong pag-anib ng mga bagong miyembro sa Iglesia sa kabila ng mga kaguluhang kinaharap sa bansa.

Sa pagpanaw ni Manalo noong Abril 12, 1963, nanatiling matatag ang kanilang simbahan, sa ilalim ng pamumuno ng kaniyang anak na si Erano Manalo.