May 21, 2026

Home BALITA National

'Maghintay lang sila:' Sen. Bato, sumagot sa 5 senador na pinapasuko siya!

'Maghintay lang sila:' Sen. Bato, sumagot sa 5 senador na pinapasuko siya!
Photo courtesy: File Photo

Sinagot ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang naging apela ng lima niyang kapuwa mga senador na sumuko siya sa mga awtoridad kaugnay sa inilabas na warrant of arrest ng International Criminal Court (CC) laban sa kaniya. 

Umapela kasi sa Senado noong Martes, Mayo 12, 2026, ang limang senador na sina Sen. Vicente “Tito” Sotto III, Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, Sen. Panfilo “Ping” Lacson, Sen. Risa Hontiveros, at Sen. Bam Aquino para hikayating kusang sumuko si Dela Rosa. 

Inapela nila ang Senate Resolution No. 395 kung saan nilalayon nitong pasukuin si Dela Rosa at sundin ang mga legal remedies alinsunod sa Konstitusyon at iba pang mga batas sa halip daw na takbuhin niya ang warrant of arrest ng ICC laban sa kaniya.

Samantala, ayon naman sa naging pahayag ni Dela Rosa sa panayam sa kaniya ng media nitong Miyerkules, Mayo 13, sinabing maghintay lang daw ang mga nabanggit na kapuwa niya senador. 

Depensa ni Dela Rosa, mayroon pa naman daw siyang mga legal remedies na kailangang gamitin.

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“Maghintay sila dahil meron pa naman akong available na mga legal remedies,” aniya. 

“So maghintay lang sila,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang naging mainit ang tensyon sa Senado noong Lunes, Mayo 11, nang magawang takbuhan ni Dela Rosa ang mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos siyang habulin ng mga ito sa pagdalo niya sa kanilang sesyon. 

Sa pagdating ni Dela Rosa sa plenaryo, emosyonal niyang ibinahagi sa media na hinarang umano siya upang hindi makadalo sa sesyon ng Senado.

Habang sinusulat ito, nananatili pa rin sa ilalim ng proteksyon ng Senado si Dela Rosa at hindi pa lumalabas sa nasabing tanggapan ng mataas na kapulungan. 

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Marcoleta sa safety ni Sen. Bato: 'As safe when you're at home with your husband'

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, tiniyak gagawin lahat ng Senado para mapigil arrest warrant ng ICC kay Sen. Bato!